Makatwiran naman kung bakit nakapagsalita nang masakit si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa China. Hindi siya masisisi sapagkat talaga namang nakagagalit ang ginagawa ng China na pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas. Sa kabila na nanalo ang Pilipinas sa sinampang kaso ukol sa pinag-aagawang teritoryo, patuloy ang China sa pamamalagi sa West Philippine Sea. Ganunman, nag-sorry si Locsin sa mga sinabi niya. Niliwanag naman niya na hindi siya sa China nagso-sorry kundi sa counterpart niyang Chinese official.
Pinag-ugatan ng galit ni Locsin ay ang patuloy na pananatili ng mga Chinese vessels sa West Philippine Sea (WPS) na sakop ng 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ). Matindi ang mga sinabi ni Locsin sa kanyang Twitter:
“China, my friend, how politely can I put it? Let me see … O … GET THE FUCK OUT. What are you doing to our friendship? You. Not us. We’re trying. You. You’re like an ugly oaf forcing your attentions on a handsome guy who wants to be a friend; not to father a Chinese province…”
Noon pa man, sagad na ang galit ni Locsin sa presensiya ng daang Chinese vessels. Dalawang beses nang nag-file ng diplomatic protests si Locsin laban sa China subalit binabalewala ng China. Lalo pang nagpanting ang taynga ni Locsin nang malaman na 240 Chinese vessels ang nasa Julian Felipe Reef. Katwiran ng Chinese ambassador to the Philippines, sumisilong lamang sa reef ang mga barko. Nag-file muli ng protesta si Locsin laban sa China.
Pati si Defense Sec. Delfin Lorenzana ay napikon na rin sa ginagawa ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef kaya sinabihan ang mga ito na umalis na. Sabi ni Lorenzana, hindi siya tanga para maniwalang sumisilong lamang sa reef ang mga Chinese vessels.
Nag-sorry man si Locsin sa mga sinabi, balewala na rin sapagkat naihayag na niya ang mga saloobin. Mabuti nga at nakapag-ingay na siya para naman malaman ng China ang sentimyento nang nakararaming Pinoy. Tama lang ang pag-iingay ni Locsin sapagkat nakabibingi ang katahimikan ni President Duterte sa ginagawa ng China sa WPS. Hindi makakilos sapagkat tumatanaw ng utang na loob sa itinuturing na kaibigan.