Mabisa ang mga bakuna dahil ito'y 1) pumipigil sa malulubhang sakit at pagkamatay 2) pumipigil kahit sa mga karamdamang nagpapakita ng bahagyang sintomas 3) pumipigil sa pagpapasa-pasahan ng sakit at 4) nagpapahintulot sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng mga bansa. Mahigit 200 taon na nang ma develop ang mga bakuna, ngunit ngayong ika-21 siglo, kinikilala ito bilang pangunahing public health achievement, kasunod lang ng pagpapababa ng mga batang namamatay. Nauuna naman ito kumpara sa pagbibigay ng malinis na tubig at kalinisan, pagkokontrol sa malaria, tuberculosis at HIV/AIDS. Bago ang malawakang paggamit ng bakuna kontra-tigdas noong Dekada '60, daan-daanlibong bata ang tinatamaan ng sakit — libu-libo rin sa kanila ang namamatay o naiiwang may kapansanan. Hindi lang tigdas ang sakit na kayang pigilan ng bakuna. Sa katunayan, palaki na nang palaki ang listahan nito: smallpox, rubella at mumps, Hepatitis A at B, chicken pox, polio, influenza, diphtheria at tetanus.
Kung iuugnay natin 'yan sa kasalukuyang karanasan sa paggamit ng COVID-19 vaccines, pwede natin tignan ang Israel bilang halimbawa. Sa mga nakatatanda, na unang nakinabang sa COVID-19 vaccines sa bansang 'yon, napag-alamang epektibo ito ng 98.9% pagdating sa pagpigil sa pagkakauwi sa ospital at kamatayan. Ngayong umabot na sa 70% ng nasa wastong edad ang nakakumpleto ng bakuna laban sa COVID-19 doon, nakuha na ng Israel na magluwag sa mga panuntunan nito sa paggamit ng face masks at social distancing. Pabalik na ang bansa sa buhay na kanilang nakagisnan bago ang pandemya.
Ipinakikita ng karanasan ng Israel na gumagana ang COVID-19 vaccine, at umaasa tayong magtutuloy tuloy na ang pagbabakuna sa ating bansa. Nakikita ngayon ang pinakamatataas na pagsipa sa kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan nasa higit 10,000 araw-araw ang naitatalang bagong nahahawaan.
Dahil sa tila kapalpakan sa ating testing, tracing, isolation at treatment, mukhang pagbabakuna na lang sa sarili ang daan patungong herd immunity.
Maraming salik bago maging matagumpay ang isang vaccination program: kailangan ng tuloy-tuloy na mapagkukunan ng bakuna, logistics para handa na ito agad maiturok at mga taong payag magpaturok. Hindi lahat ay handang magpabakuna lalo na't problema pa rin sa Pilipinas ang alinlangan dito sa gitna mismo ng pandemya.
Lumalabas sa pag-aaral na isinagawa ng Larson et al na noong 2015, 93% ng mga Pilipino ang naniniwalang importante ang mga bakuna, 82% ang nagsasabing ligtas ang mga ito at 82% naman ang nagsabing epektibo ito. Kaso nang pumasok ang usapin ungkol sa Dengvaxia taong 2018, lumagapak ang mga numero sa pinakamababang antas. Sa taong 'yon, 32% lang ang nagsabing importante ang bakuna, 21% ang nakaisip na ligtas ito habang 22% lang ang nagsabing epektibo ang mga naturang gamot. Ang mga maling kwento't paratang sa Dengvaxia, pati na sa mga taong sangkot sa vaccination program, ay pare parehong nagbigay takot sa mga Pilipinong magtiwala sa mga bakuna, malalaking kumpanya ng gamot, doktor, siyentista at gobyerno — partikular na ang DOH at FDA. Ang pagkawala ng tiwala dulot ng experience sa Dengvaxia ay dama pa rin hanggang sa pagpasok ng COVID-19 vaccines.
Ipinakikita ng survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Marso 2021 na 16% lang sa 2,400 kinapanayam ang payag maturukan laban sa COVID-19 habang 61% ang nagsabing hindi nila ito kukunin. Halos lahat ay takot na tamaan ng COVID-19 pero 84% sa piniling 'wag magpabakuna ang may alinlangan kung ligtas ang gamot. Nasa 7% naman ang nag-aalangang hindi epektibo ang bakuna. Makikitang may malaking problema sa COVID-19 vaccine acceptance ang kalakhan ng bansa na dapat kaharapin.
Susunod sa ating playbook ay ang pagtatama sa mga kakulangan sa probisyon ng public health services partikular kaugnay ng pandemya. Mahirap ipagkailang hindi sapat ang ating testing, tracing, isolation at treatment. Kulang ang ayuda para sa mga tinamaan ang kabuhayan. Huling-huli, pinabayaan din natin ang pag-asikaso sa pagkuha ng bakuna noon pa man, dahilan para magkumahog tayo sa suplay na kailangan. Sa tingin ko, ginagawa naman ng IATF at DOH ang makakaya nila sa ngayon, pero ang pinakamahusay nila ay hindi sasapat, kung kaya't dapat pa nila itong higitan, palawakin pa nila ito at pabilisin.
Panghuli, habang nilalabanan natin ang mga maling impormasyon sa COVID-19, habang itinatama natin ang mga kakulangan sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan at panlipunan sa gitna ng pandemya, kailangan nating bigyan ng pag-asa ang mga tao. Dapat nating tiyakin sa taumbayan na kaya nating makaalpas sa pandemyang ito sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagsunod sa health protocols at pagpapabakuna. Kailangan nating labanan ang disinformation at magbigay ng pag-asa gamit ang komunikasyon at pakikilahok ng komunidad. Kailangan nating mag recruit ng maraming kampeon at influencers, pinuno ng mga organisasyong relihiyoso at iba pa. Dapat nating palahukin ang mga komunidad, mga organisasyon doon at marami pang iba para talakayin ang ating kinahaharap, kung ano ang magagawa natin para sa 'ting sarili at kung paano natin matutulungan ang kapwa.
Dapat nating siguraduhin sa mga taong hindi masasayang ang lahat ng ating sakripisyo nitong mga nakaraang buwan — na malalampasan natin ang COVID-19 kung magtutulungan, susunod sa health protocols sa ibinilin ng mga dalubhasa at magpabakuna pagdating ng oras natin. At pinakamahalaga sa lahat, maaari natin silang mahikayat sa katotohanang makapagsama-sama na tayong muli kahit walang mask at face shield, magkakayakapan na uli at pwede nang magdikit-dikit. Hindi malaon ay makakapagbakasyon na tayo uli nang walang pre at post travel test; pwede nang bumiyahe kahit sa labas ng bansa na hindi nagka-quarantine at nagsa-swab depende sa pupuntahan.
Dalawang bagay ang hindi natin dapat kalimutan habang nagsusumikap tayong labanan ang COVID-19 pandemic. Una, walang ligtas hangga't hindi ligtas lahat, kung kaya't dapat tayong magpabakuna kapag oras na nating magpaturok. Ikalawa, kapag nabakunahan na lahat ng pwede at naabot na ang herd immunity, dapat ituloy-tuloy pa rin sa pagsunod sa health protocols. Mag-ingat tayong lahat.
—
Si Dra. Esperanza I. Cabral ay isang internist-cardiologist, public health advocate at co-convenor ng Doctors for Truth and Public Welfare. Nagsilbi rin siyang kalihim ng Department of Health (2010) at Department of Social Welfare and Development (2006-2009).