MANILA, Philippines — Sa panahon ng sunud-sunod ang breaking news at naglilipanang maling impormasyon, madaling malunod sa agos ng balita't hindi ito maintindihan.
Nababaon ng ganitong siste ang mga kaalamang gagabay sana sa mga Pinoy habang viral naman ang kasinungalingan at makaisang-panig na press releases.
Para matulungan ang aming mga tagasunod, may bagong alok na programa ang Philstar.com simula bukas, ika-4 ng Mayo, para himayin ang pinakamaiinit na isyu sa loob lang ng iilang minuto. At oo, nasa wikang Tagalog 'to.
Sisikapin ng "Anyare?" na mailapit ang mga nagbabaga't "hebigat" na isyu sa pinakasimple't kwelang paraan, sa tulong na rin ng komentaryo ng mga dalubhasa't mamamahayag. Ayos, 'di ba?
Babaybayin sa unang episode bukas ang importansya ng West Philippine Sea sa karaniwang Juan at Maria — kung paanong maigiit nang walang gera ang 2016 arbitral award ng Pilipinas laban sa Tsina.
Interesado? Abangan ang "Anyare?" sa Youtube at Facebook pages ng Philstar.com simula ngayong Martes.