Mga community pantries: Kabutihang minamasama
“Parang sa Bibliya na pagdami ng tinapay!” Pahayag ‘yan ng anak ng 92-anyos na kusinera na nagtatag ng community pantry sa Pampanga. Libu-libong mga nagugutom ang matiyagang pumipila para kumuha ng konting gulay, itlog, prutas. Pero dating din nang dating ang mga donasyon. Merong salop ng bigas mula sa maybahay, at kahun-kahon ng de-lata mula sa negosyante. Mahirap o mayaman, iisa ang pakay: Dumulog sa kapwa na walang hangad na kapalit.
Nauulit ‘yun araw-araw sa libong community pantries sa bansa. “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa kailangan,” anang karatula. Walang bantay. Masasaksihan ang pagka-bukas-palad at matapat ng tao. Iniisip ang kalagayan ng kapwa.
Ayaw ng demonyo ng kabutihan. Kaya inudyukan ang kampon na kumuha nang labis-labis at ubusan ang iba. Pinabansagan ang mga nag-oorganisa na “komunista, terorista, subersibo”.
Hindi komunismo, terorismo o subersibo ang kawanggawa. Turo ‘yon ng lahat ng relihiyon. Ehemplo: Mara-ming Muslim sa Turkey ang nag-aambagan kada tapos ng Ramadan para magpakatay ng libong baka sa Mindanao at ipamigay sa maralita. Daan-daang milyong pisong tulong ang kinakalap at kinakalat ng Buddhist na Tzu Chi Foundation sa mga nasasalanta taun-taon.
Kinuwento sa Mateo 14:13-21 ang pagpapakain ni Hesus sa 5,000 lalaki na ginabi sa pakikinig sa sermon niya. Binahagi niya ang limang tinapay at dalawang isda, pero nabusog la- hat, pati bata at babae. May natira pang isang dosenang bakol.
Bago ‘yon, ihinayag ni Hesus: “Mapapalad ang mga mahabagin: Sapagka’t sila’y kahahabagan. Mapapalad ang mga may malinis na puso: Sapagka’t makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka’t sila’y tatawaging mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katuwiran: Sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.”
- Latest