EDITORYAL - Walang proteksiyon mga mangingisdang Pinoy
Sabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), magpatuloy daw sa pangi-ngisda sa West Philippine Sea ang mga mangi-ngisdang Pinoy. Huwag daw matakot at magpatuloy na mangisda sa WPS sapagkat ang lugar na iyon ang tradisyunal na pangisdaan ng mga Pilipino. Teritoryo iyon ng Pilipinas kaya nararapat na makapangisda roon. Ang WPS ay nagpo-produce ng 300,000 metrikong tonelada ng isda at kailangan ito ng bansa. Kaya payo ng BFAR sa mga mangi-ngisdang Pinoy na pumalaot at mangisda sa WPS.
Madaling sabihin na mangisda sa WPS pero alam kaya ng BFAR na grabe ang dinaranas ng Pinoy fishermen na pambu-bully at pangha-harassed ng Chinese. Alam kaya ng BFAR na malayo pa lamang ang mga bangka ng mga Pinoy ay hinaharang na ang mga ito ng China Coast Guard at itinataboy. Mayroong binobomba ng tubig para umalis at nang hindi na makapangisda.
Hindi lamang yan, ang mga Chinese vessels ang dahilan para walang mahuling isda ang mga mangingisda sa San Antonio, Zambales. Sabi ng mga mangingisda, dahil sa ingay na ginagawa ng mga barko ng China, nabubulabog ang mga isda at lumalayo kaya wala silang mahuli.
Reklamo rin ng mga mangingisda na hindi na sila pinalalapit ng China Coast Guard sa mga bahura. Dati ay nakakapasok daw sila sa mga bahura at malayang nakakapangisda pero ngayon, malayo pa sila sa bahura ay binibigyan na sila ng babala ng mga barkong naglipana sa WPS.
Wala silang magawa kundi ang umuwing walang huli. Mas mahirap daw kung tutuloy at baka banggain sila ng mga barko ng China. Ilan nang insidente ang naganap na binangga ng Chinese vessel ang bangkang pangisda ng mga Pinoy.
Tama ang BFAR na dapat mangisda sa WPS sapagkat sakop iyon ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Ang problema, walang proteksiyon na nakukuha sa gobyerno ang mga mangingisda. Hinahayaang i-bully at i-harassed. Inamin minsan ni President Duterte na hindi siya masyadong interesado sa pangingisda at hindi niya hahayaan na dahil lamang sa bagay na ito ay pagmumulan ng di pagkakaunawaan ng Pilipinas at China. Malaki raw ang utang na loob natin sa China.
- Latest