Sa loob at labas ng bayan nating sawi, ito’ng nangyayari

“Sa loob at labas ng bayan kong sawi

Kaliluha’y siyang nangyayaring hari

Kagalinga’t bait ay nalulugami,

Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”

Walang kupas ang awit-tulang “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas. Bagama’t inakda nu’ng 1838, parang kasalukuyan ang tagpo.

Sa loob ng bansa ngayon walang giya ang mamamayan. Kalahati ng populasyon ay hikahos. Malamya ang ekonomiya; kapos sa paggasta. Magulo ang pagbabakuna, na kailangan para makapagtrabaho. Pamahal pa nang pamahal ang mga bilihin. Puro pamumulitika ang mga lider.

Sa labas ng bansa dayuhang navy ang nakatanod. Walong bahura natin ay hawak nila. Pito ru’n ay kinong­kreto, tinayuan ng air at naval bases, at inimbakan ng missiles. Mula ru’n pinapatrulya ng dayuhan ang mga de­posito ng langis at gas, kaya hindi mapakinabangan­ ng Pilipinas. Ang ikawalong bahura ay patuloy na ninana­kawan ng isda at taklobo.

Nauubusan ng pagkaing dagat ang Pilipinas. Nauuwi sa gutom at sakit. Nauupos na rin ang gas sa Malampaya; hindi mapalitan ng Recto Bank, kaya napipinto ang mala­wakang blackouts sa Luzon. Tinatrato ng mga lider na taga­pagligtas ang dayuhan.

Tungkulin ng mga makabayan na isiwalat ang mga suliranin. Sa gan’ung paraan mapag-iisipan ng mas mara­ming talento ang solusyon. Masaklap, sinisiraan pa ng maka-dayuhang lider ang mga makabayan. Parang sitwasyong linarawan ni Balagtas:

“Ang magandang asal ay ipinupukol

Sa laot ng dagat ng dusa’t linggatong

Baling magagaling ay ibinabaon

At inililibing nang walang kabaong.”

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments