INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na ang opening ng school year 2021-2022 ay sa Agosto 23. Ito umano ang napagkasunduan ng school officials. Sabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, patuloy pa rin ang distance learning pero papayagan nilang magtungo ang estudyante sa school. Sabi pa ni San Antonio, mayroon silang inihahandang “ideal scenario kung saan magkakaroon ng limited in-person classes. Papayagan daw na magpunta ang mga estudyante paminsan-minsan. May mga estratehiya na raw silang inihahanda.
Sa himig ng pananalita ng DepEd official, gusto na nilang ibalik unti-unti ang face-to-face classes. Kaya siguro mag-eeksperimento sila sa susunod na pasukan. Sabagay puwede itong subukan sa mga lugar na mababa ang COVID cases.
Mula nang manalasa ang COVID-19 noong nakaraang taon, itinigil na ang face-to-face classes at pawang distance learning o pag-aaral sa online ang ipinatupad. Kailangang may gadgets ang mga estudyante para makasunod sa mga itinuturo ng guro online. Ang mga estudyanteng walang gadgets at nasa mga liblib na lugar, printed modules ang binibigay ng mga guro. Dinideliber nila ang modules buwan-buwan.
Pero sa Pulse Asia survey na ginawa mula Pebrero 22 hanggang Marso 3, wala pang 46 percent ng mga magulang ang nagsabi na natututo ang kanilang mga anak sa distance learning. Ibig sabihin, duda sila na mayroong natututunan ang mga anak sa bagong sistema ng pag-aaral. Halos kalahati ang nagdududa kung mayroong natututunan ang mga anak.
Sa surbey, nagpapakita na walang kalidad ang pag-aaral online at mas maganda talaga ang face-to-face classes. Pero maaari rin namang hindi nagagabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak kaya nasasabi nilang walang natututunan ang mga ito. Sabi ng Department of Education (DepEd) sa pagsisimula ng distance learning noong nakaraang taon, kailangan ang gabay ng mga magulang habang nag-aaral online. Mahalagang masubaybayan ang mga anak para malaman kung mayroong naintindihan.
Nararapat na silipin ng DepEd ang problemang ito. Baka ang mangyari ay ipasa na lang nang ipasa ang mga estudyante kahit walang nalalaman o natutunan. Dito magsisimula ang paghina ng kalidad ng edukasyon. Hindi dapat mangyari ito sapagkat ang estudyante ang magiging kawawa sa dakong huli.