A araw na ito 75 taon na ang nakalipas nang mahalal si President Manuel Roxas. Dapang-dapa ang kabuhayan ng Pilipinas noon. Winasak ng World War II ang mga industriya. Ang capital na Maynila ay dinurog ng mga umaatras na Hapon at lumulusob na Amerikano. Mainit na isyu ang mga kulaboretor. Isa umano si Roxas sa mga traydor. Sa simula pa lang umangal na ang mga dating gerilya, at mga liberal na Pilipino at Amerikano kung bakit siya hinayaang kumandidato.
Dineklara ng Solicitor General noon na hindi komo kulaboretor ay traydor na. Dahil du’n nakalusot si Roxas sa paglilitis habang binibitay ang iba. Nagtaka ang mga gerilya at liberal dahil bago nu’n dineklara na ng War Crimes Commission na ang pagtanggap ng puwesto sa Japanese Occupation Government ay ante-manong katraydoran. At maraming naging posisyon si Roxas sa malupit na rehimeng militar.
Naging miyembro siya ng Independence Preparatory Commission na nagtatag ng huwad na kasarinlan. Miyembro rin ng komite na nag-imbento ng konstitusyon ng republika sa ilalim ng Hapon at pumirma sa dokumentong ‘yon. Vice-chairman siya ng komite na nagpasinaya sa pekeng republika. Miyembro rin ng gabinete. At chairman ng Economic Planning Board. Ipinadala niya sa mga magsasaka ang ani sa Maynila. Kabaliktaran ng mga gerilya, na noo’y pinipigilang makontrol ng Hapon ang pagkain, ani historian Monroe Hall.
Nang mag-landing ang mga Amerikano sa Lingayen, itinago ng Hapon ang gabinete sa Baguio. Sa gitna ng labanan, lumipat si Roxas sa panig ng mga Amerikano. Binihag lahat ng kasama; siya lang ang pinalaya. Di naglaon lumitaw siya sa headquarters ni General Douglas MacArthur na nagtalaga sa kanya bilang brigadier general.
Kumandidatong mambabatas ang iba pang kulaburetor.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).