Bakuna sa Metro Manila

National Capital Region mayors: Menchie Abalos (Mandaluyong), Joy Belmonte (Quezon City), Lino Cayetano (Taguig), Vico Sotto (Pasig), Marcy Teodoro (Marikina) at Francis Zamora (San Juan).

Malapit nang umabot ang bansa sa isang milyong kaso ng coronavirus. Doble-kayod ang mga lokal na pamahalaan para agad na mabakunahan ang kanilang mga nasasakupan.

Sa aking interview ukol sa bakuna at ayuda sa aking show na Pamilya Talk, halata ang pagod sa mga mayor ng Metro Manila. Ang LGU kasi ang frontliner pagdating sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kakabayan, lalong-lalo na kaugnay ng COVID19.  Isang taon na silang hindi magkanda-ugaga sa pamamahagi ng ayuda at iba pang mga serbisyo at, kasama pa ngayon, ang mga bakuna.  Napakahalaga ng papel ng mga lokal na opisyal para tuluyan nang matuldukan ang krisis ng COVID-19.  Katunayan, nang dahil sa pandemya, napilitan ang gobyerno, lalo na ang ating mga mayor, na mas maging malikhain at mas maging malikot ang mga isipan sa pagbuo ng mga kakaibang solusyon para matugunan ang mga hamon na hatid ng COVID-19.

Metro roundup

Isa ang Marikina sa mga mabilis umaksyon bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga residente nito.  Tuwang-tuwang ibinalita sa atin ni Mayor Marcy Teodoro ang ilan sa mga bagong ideyang kanyang inilunsad, tulad ng home service na pagbabakuna sa senior citizens na hirap lumabas ng bahay. Mayroon din siyang konsepto ng reverse-isolation kung saan dahil sa dami ng household members na may COVID-19, ang mga walang sakit ang siyang inihihiwalay ng LGU at ang mga may COVID-19 ang naiiwan sa loob ng kanilang mga tahanan. Lahat din ng medical frontliners sa lungsod ay nabakunahan na. 

Ipinaliwanag naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto kung bakit sila nagsimula nang mabagal muna sa pagbabakuna -- para masigurong maayos ang kanilang mga sistema bago nila ito gawin nang malawakan at malakihan.  "Tiningnan namin kung ano ba ang kinakailangang i-tama sa vaccination sites tulad ng pagkontrol sa pila ng mga tao, pag-schedule ng pagbabakuna, at pagbabantay kung sino ang mga naturukan na.” Mahalaga ang maging bukas sa mga pagbabago sa proseso upang masigurong magiging epektibo ang mga proyekto laban sa coronavirus.

Ang Quezon City nama’y kaliwa’t kanan ang partnerhips at paggamit ng mga pribadong mall para marami agad ang mabakunahan. Ang QC ang pinakamalawak na lungsod at may pinakamalaking populasyon sa Metro Manila. Sabi ni Mayor Joy Belmonte, inaayos na rin niya ang isang mobile vaccination service para maging mga nakatatandang nakaratay na at mga  PWD o persons with disability na hindi makalabas ng bahay ay mabakunahan pa rin.   

Prayoridad din ni Taguig City Mayor Lino Cayetano ang pagbubukas ng malalaking vaccination hubs na tulad ng SM Aura Premier sa Bonifacio Global City. Pagdating naman sa pamimigay ng ayuda, sinabi ni Cayetano na “very transparent” ang kanilang sistema, kaya nakapaskil sa City Hall at nakalagay sa website ng Taguig ang listahan ng mga bibigyan ng ayuda.  Puwedeng magreklamo direkta sa kanya ang mga nakalista pero walang natanggap. 

Sa kabila ng mabagal na pagdating ng mga bakuna sa bansa, naniniwala si Manila Mayor Isko Moreno na magkakaroon ng sapat na bakuna para sa mga Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit mahigpit niyang hinihikayat ang mga nasasakupan na mag-pre-register. "Hindi mahalaga kung anong edad ninyo, o anong sitwasyon ninyo." Maaaring magparehistro ang mga Manileño online sa pamamagitan ng manilacovid19vaccine.ph

Sa Valenzuela City, tulad ng ibang mga lungsod, ginawa rin ni Mayor Rex Gatchalian na high-tech at mas mabilis para sa mga residente ang pagpaparehistro para sa bakuna. Maaari silang mag-sign up sa pamamagitan ng ValTrace (valtrace.appcase.net), ang app na ginagamit din ng lungsod para sa contact tracing. Hitting two birds with one stone, ika nga!  

Ngunit habang hinihikayat natin ang mas maraming tao para mapagbakuna, dapat ding gawin ng gobyerno ang bahagi nito para matiyak na mayroon tayong sapat na bakuna. Dapat ding bantayan kung sino ang mga dapat unahing bakunahan. Naniniwala si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos  na dapat isama sa listahan ng prayoridad na mabakunahan ang mga tinatawag na economic frontliners na tulad ng mga tricycle driver, mga tindera sa grocery at iba pang essential workers. "Nakaharap din sila sa mga tao, frontliners din pero hindi medical, frontliner ng ekonomiya," sabi ni Mayor Abalos.

Ibinahagi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na dahil sa kasalukuyang krisis, napilitan ang napakaraming mga opisyal ng gobyerno na gamitin ang teknolohiya at iwanan ang mga lumang sistemang nakagawian na para mas mapadali ang paghahatid-serbisyo. “Dito nagkakaalaman kung sino yung masigasig, kung sino ‘yung matiyaga, sino‘ yung madiskarte. ”

Lideratong kakaiba

Nakakabilib ang mga mayor na aking nakausap, pati na ang iba pang mga opisyal ng gobyerno na walang tigil ang pagsisikap para maalalayan ang kanilang mga nasasakupan, lalo na yung mga kapos sa buhay. Kakaiba ang panahon ngayon. Kakaiba rin ang uri ng liderato na hinihingi ng krisis na ating kinahaharap. Isang lideratong tapat sa serbisyo, hindi nakikipagpaligsahan sa ibang mga pulitiko para lang sumikat. Sa halip, isang lider na dahil sa kanyang matibay na kumpiyansa sa kanyang sarili, handa siyang tumingin sa ibang mga siyudad, komunidad, lalawigan at bansa para makakuha ng inspirasyon at mga makabagong paraan ng pamamahala na puwede niyang gawin sa kanyang lugar. 

Malayo pa ang ating tatakbuhin. Mahaba pa ang karera. Nasa kamay ng mga lider ng ating bansa ang ating kaligtasan at ng ating pamilya.

Gayunpaman, may magagawa rin tayo para maging ligtas ang ating mga komunidad. Una, magpabakuna. Ikalawa, suriin kung alin ang mga totoong impormasyon at ibahagi ito sa iba.  

Ito ang partikular na layunin ng aking programa. Ngayong digital na ang uso, dinadala ng Pamilya Talk ang mga manonood sa sentro ng bawat usapin para direktang magtanong sa mga eksperto at para marinig ding direkta sa kanila ang mga sagot. Halimbawa’y mga payo ukol sa praktikal na mga bagay gaya ng paghahanda ng isang go-bag para sa pandemya.

O kaya’y mga kuwento ng pasasalamat.


Kaya sana’y huwag ninyong kalimutang ibahagi at i-share ang mga kuwentuhang ito sa inyong mga kaibigan at pamilya. Isang kuwentuhang may katuturan at isang programang ang matututunan nating lahat ang laging isinasaalang-alang. 


-----


Lagi pong manood ng Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, at Kumu (@JingCastaneda – 6 p.m. Monday & Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.

Show comments