ANG kaso sa pagpapatalsik ng taong pinayagang tumira sa lupang pagmamay-ari ng iba ay tinatawag sa Ingles na unlawful detainer. Ang isyu rito ay ang pisikal at materyal na posesyon sa ari-arian. Kung minsan ay ginagamit na palusot sa usapin ang tungkol sa kung sino ang tunay na may-ari ng lupa na dapat unang resolbahin bago matukoy ang isyu sa karapatan sa posesyon nito.
Dapat din na maisampa ang kaso ng unlawful detainer sa loob ng isang taon at kung hindi ay ibabasura lang ito ng korte. Ito ay inilarawan sa kaso ni Amanda laban kay Marta at mga anak nito sa namayapang asawang si Alex.
Si Amanda ay kasal kay Andy at kapatid ni Alex na yumaong mister ni Marta. Siya ang rehistradong may-ari ng isang bahay at lupa sa Maynila. Sa awa sa kanyang hipag na si Marta at sa namatay niyang kapatid na si Alex ay pinayagan ng mag-asawa si Marta at mga anak nito na tumira sa nasabing lupa.
Bandang 2003, kinailangan na nilang gamitin ang lote para sana ipamahagi na sa kanilang mga anak. Nalaman nila na maalwan na sa buhay si Marta at mga anak nito. Katunayan ay kaya na nga nila na umupa ng sariling bahay at nakabili na rin sila ng mga ari-arian at sasakyan.
Hiningi nila kay Marta at mga anak nito na umalis na sa lupa nila pero ayaw lumayas ng mag-iina. Kinuwestiyon pa nga ng mga ito ang pagmamay-ari ni Amanda sa lupa at kahati pa raw dapat sila sa lote.
Nakuha lang daw ni Amanda ang titulo sa pamamagitan ng pandaraya at pamemeke. Kaya noong Marso 22, 2006, pormal na sumulat si Amanda para paalisin na ang mag-iina sa lote pero hindi sumunod ang mga ito.
Ang ginawa ni Amanda ay nagpadala muli ng sulat na may petsang Agosto 14, 2007 para umalis ang mag-iina at tuloy ay magbayad ng upa pero wala pa rin. Kaya noong Marso 14, 2008, pormal na nagsampa ng kaso ng unlawful detainer si Amanda sa MeTC laban kay Marta at mga anak nito sa yumaong asawang si Alex at sa lahat ng naghahabol pa sa lupa.
Noong Agosto 20, 2010, naglabas ng desisyon ang MeTC pabor kay Amanda. Ipinag-uutos sa desisyon na agad na umalis ang mag-iina at isoli ang pisikal na posesyon ng lupa kay Amanda pati magbayad ng P10,000 kada buwan hanggang hindi sila nakakaalis sa lote. Ayon din sa korte, si Amanda ang totoong may-ari ng lupa at may karapatan na hawakan ito. (Itutuloy)