Nang magsalita si President Duterte sa kanyang Talk to the People noong Huwebes ng gabi, wala siyang nabanggit ukol sa pananatili ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef na halos isang buwan nang naroon. Tanging sa pandemic ang kanyang naging paksa at nagbabala na marami pa ang mamamatay dahil sa kawalan ng bakuna. Bakit wala man lang siyang masabi ukol sa pananatili ng mga barko sa teritoryong sakop ng Pilipinas?
Noong nakaraang linggo, hinabol ng China Coast Guard ang isang Pinoy vessel na may lulang TV journalist malapit sa Palawan. Tinanong umano ng CCG kung ano ang ginagawa ng Pinoy vessel sa lugar. Hindi pa nasiyahan, isang patrol boat na may missile naman ang humabol sa Pinoy vessel kaya wala silang nagawa kundi lumayo. Anong masasabi ng Presidente sa inakto ng CCG?
Wala pa ring makapagsabi kung aalis pa ba ang mga barko ng China sa Julian Felipe Reef o mamamalagi na sila roon. Unang sinabi ng embahada ng China, nanganganlong lang doon ang mga barko dahil masama ang panahon. Pawang mangingisda raw ang mga nasa barko. Dati na rin daw nangingisda roon ang mga ito at laging nanganganlong.
Pero ang sagot ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, hindi siya uto-uto para maniwala na nanganganlong lang ang mga barko ng China roon. Bakit daw manganganlong e wala namang sama ng panahon. “Umalis kayo riyan!’’ Matapang na sinabi ni Lorenzana. Dapat lang naman dahil teritoryo iyon ng Pilipinas at sakop ng exclusive economic zone ng bansa. Maski si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin ay nagbanta na aaraw-arawin ang paghahain ng protesta sa ginagawang pag-okupa ng China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas. Naghain na sila ng protesta noong nakaraang buwan para umalis ang mga barko ng China sa Julian Felipe Reef. Kamakalawa, naghain uli sila ng protesta.
Bukod sa pag-okupa ng China sa WPS, nirereklamo rin ang talamak na pangingisda ng mga ito sa karagatan ng Zambales. Ayon sa report, wala nang takot ang mga barkong pangisda ng China at halos ubusin na ang mga isda sa karagatang sakop ng Zambales. Dahil mga makabago ang makinaryang panghuli, halos ubusin na ang mga isda sa lugar at wala nang mahuli ang mga kawawang mangingisdang Pinoy. Wala nang pakialam at takot ang mga ito kahit hindi na nila teritoryo.
Magsasawalang-kibo na lang ba? Hahayaan na lang ba na angkinin ng China ang hindi kanila?