EDITORYAL -Mahalaga ang may kakampi

Hindi tayo makakapag-isa laban sa naghahari-harihang China sa West Philippine Sea (WPS). Kailangan natin ng mga kakampi. Kailangan ang may pagsusumbungan sa ginagawang pagtapak sa soberenya. Bukod sa paghahain ng protesta laban sa China sa West Philippine Sea (WPS), isang paraan din ay ang pagsusumbong sa kaalyadong United States para masaklolohan sa panahon ng kagipitan. Kung magsusumbong sa US, malalaman nila ang talagang ginagawa ng China sa WPS. Malalaman ang ginagawang pagtapak.

Nakipag-usap si Defense Sec. Delfin Lorenzana kay US Secretary of Defense Lloyd Austin III noong Linggo. Sa telephone conferencing, inilahad ni Lorenzana ang mga nangyayari sa WPS, kabilang ang paghimpil ng may 200 barko sa Julian Felipe Reef na nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pili­pinas. Pinag-usapan ng dalawa ang may kaugnayan­ sa regional security.

Mariing binatikos ng US Defense chief ang Beijing sa pananatili ng kanilang mga barko sa Julian Felipe Reef. Ayon pa sa defense chief nagpapakita ng paninindak ang China sa mga maliliit na bansa sa rehiyon.

Sa pag-uusap nina Lorenzana at Austin, nabang­git ang pagpapatuloy ng Balikatan exercise kung saan magkasamang magsasanay ang mga sundalong Amerikano at Pilipino. Nakansela ang Balikatan noong nakaraang taon. Noong Lunes, sinimulan na ang Balikatan exercise.

Hindi maganda ang ginagawang pambu-bully ng China kaya nararapat nang gumawa ng mga hakbang. Sobra na ang paghahari-harian. Noong isang araw, hinabol ng China Coast Guard ang bangka ng mga Pinoy na sinasakyan ng babaing TV journa­list habang malapit sa Palawan. Hindi pa nasiyahan, pinahabol din sa Chinese vessel na may missile.

Sabi ni DFA Sec. Teodoro Locsin tatambakan at aaraw-arawin nila ng protesta ang China. ‘Yan ang nararapat. Yanigin ng protesta ang China at kung magmamatigas, isumbong sa kaalyadong US.

Show comments