EDITORYAL - Kamangmangan ng mga nagpapatupad ng batas
MAY mga nagpapatupad ng batas na hindi alam kung ano ang kanilang ipinatutupad. Kawalan ng kaalaman sa batas. At sa kawalan nila ng kaalaman marami ang napapahamak.
Kamakailan, isang food delivery man ang inaresto ng mga barangay tanod dahil sa paglabag sa curfew. Sabi ng delivery man, lugaw ang kanyang idedeliber at bilang pagkain ito ay essential. Pero sabi ng mga barangay tanod, hindi essential ang lugaw kaya inaresto nila ang delivery man. Sinabi naman ng Malacañang na essential ang lugaw. Nag-sorry ang mga barangay tanod sa ginawa nila.
May mga pulis na salat sa kaalaman sa pagpapatupad ng batas. Mangmang sila. At ang kamangmangan ay masama ang nagiging bunga. Gaya nang ginawang pagpaparusa ng dalawang pulis mula sa General Trias, Cavite sa mga lumabag sa curfew. Isandaang pumping exercises ang pinagawa kay Darren Peñaredondo bilang parusa makaraang lumabag sa curfew noong Abril 1. Bukod kay Darren, pitong iba pang curfew violators ang pinarusahan ng mga pulis na gumawa ng 100 pumping exercises. Kinabukasan, Abril 2, pinalaya si Darren at iba pang curfew violators. Abril 3 ng gabi, namatay si Darren.
Sinisisi ng pamilya ni Darren ang mga pulis na nagparusa rito nang mabigat na physical exercises. Ayon sa live-in patner ni Darren, na-stroke umano si Darren ilang buwan na ang nakararaan at hindi nito nakayanan ang mabigat na parusa na binigay ng mga pulis. Ayon pa sa ka-live-in, napansin umano ng mga kapwa curfew violators na hirap na hirap si Darren makaraan ang pumping exercises. Maski raw sa pag-upo sa bangko ay hindi nito makaya. Magsasampa umano sila ng kaso sa mga pulis na nagparusa kay Darren.
Bibili lang daw ng tubig si Darren nang mahuli ng mga barangay tanod dahil curfew na. Wala rin daw face mask si Darren. Lahat ng curfew violators kasama si Darren ay ipinasa sa mga pulis at dinala sa presinto kung saan pinarusahan ang mga ito.
Sinibak na ang police chief ng General Trias na si Lt. Col. Marlo Solero at dalawang tauhan na sina Corporals Jerome Vibar at Kenneth Mercene dahil sa pangyayari. Sabi ng tagapagsalita ng PNP, hindi masama ang physical exercises pero hindi ito nababagay sa taong may medical history.
Maraming alagad ng batas ang mangmang sa pagbibigay ng parusa sa mga nagkakamali. Pinarusahan agad nila nang mabigat gayung maari namag pangaralan. Mangmang sapagkat hindi muna inuusisa kung ano ang medical history ng mga lumabag sa curfew. Maging aral na sana ito sa miyembro ng PNP na ura-uradang nag-iimposed ng parusa.
- Latest