Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19. Mahigit dalawang linggo nang sunud-sunod na mataas ang kaso bawat araw. Nasa 795,051 ang kabuuang COVID cases sa bansa. Sa Southeast Asia, Pilipinas ang may pinakamaraming kaso na naitatala bawat araw na dati ay ang Indonesia ang nangunguna.
Ang ganito kabigat na pagdami ng kaso ang nagpagising sa pamahalaan para magsagawa ng mass testing. Sabi ni Vivencio Dizon, deputy implementer of the National Task Force Against COVID-19 isasagawa ang libreng mass testing sa pamamagitan nang paggamit ng antigen kits. Ayon kay Dizon, ang pamahalaan sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense (OCD) ay bibili ng 500,000 antigen kits para gamitin sa mga ospital sa mga matataong lugar sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan. Ang pamahalaan ay may pondong aabot sa P235 milyon para ibili ng antigen kits. Sabi pa ni Dizon, makikipag-negotiate sila sa mga kuwalipikadong suppliers ng antigen kits. Balak nilang makapag-test ng hanggang 90,000 katao bawat araw.
Kung ito ang nararapat, dapat nang gawin at huwag nang magdili-dili pa. Ilarga na ang free mass testing. Dapat nga noon pa ito ginawa para nakontrol ang virus. Ngayong dumami na saka naman nagkukumahog. Pero mas mabuting isagawa agad ito ngayon para mapigilan ang paglaganap. Nararapat namang may tamang sistema ang National Task Force ni Dizon para hindi sumablay ang pag-testing.
Kapag naisagawa na ang testing at maraming nagpositibo, dapat mayroong mga ospital na gagamot sa mga ito para hindi na dumami pa ang kaso. Daluhan agad at hindi dapat paghintayin ang mga nagkakasakit sapagkat maaaring umuwi ang mga ito sa bahay at mahawa ang pamilya. Kailangan ng patnubay ang mga nagpopositibo. Ipaalam ang mga nararapat gawin. Sa ganitong paraan masasawata ang pagkalat ng COVID-19.
Isagawa na ang free mass testing at nararapat din namang bilisan ang rollout ng bakuna para mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan. Wala silang kalaban-laban sa hindi nakikitang kalaban.