EDITORYAL - Bigyang-halaga ang mga nurses
KAILANGAN ang serbisyo ng mga nurses sa kasalukuyan dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19. Halos araw-araw, libu-libo ang naitatalang kaso. Kahapon, naitala ang pinakamataas na kaso ng COVID: 9,838. Maraming ospital – ma-pribado man o ma-publiko ang full capacity na. Wala nang hihigaan para sa pasyente. Naulit o mas marami pa ang mga pasyenteng may COVID ngayon kaysa nakaraang taon.
Ang problema, pagod na ang mga doktor at mga nurses dahil sa rami ng mga pasyente. Sinabi ng mga ospital na kulang na sila sa mga nurses para mag-asikaso sa mga pasyente. Inamin ng mga ospital owners na marami na sa kanilang nurses ang nagbitiw. Ang iba ay nangibang bansa makaraang payagan ng pamahalaan noong Setyembre 2020 na maari nang magtrabaho sa ibang bansa ang mga nurse at iba pang healthcare workers. Maraming sinamantala ang pagkakataon at lumipad para masiguro ang magandang kinabukasan sa ibang bansa.
Bukod sa pag-aabroad, marami ring nurses ang nag-aplay bilang call center agents (BPO) at bilang nurse sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sapagkat malaki ang suweldo rito.
Katwiran ng grupo ng mga nurses, masyadong mababa ang suweldo nila sa pribado at publikong ospital. Pati ang mga benepisyo ay hindi katanggap-tanggap. Pati ang mga kagamitan gaya ng PPE, face mask, gloves at iba pa ay sila pa ang bumibili. Tinaasan nga ang suweldo noong nakaraang taon at ginawang P32,000 bawat buwan pero hindi pa rin sapat sa rami ng trabaho. Mas masakit na pati ovetime at hazard pays ay hindi binabayaran.
Noong isang araw, nagpapasaklolo ang Philippine Hospital Association sa mga nurses na nasa PNP, AFP at mga BPOs, na tumulong sa kanila sa pagkakataong ito na kinakapos ang puwersa ng nurses dahil sa pagdami ng COVID patients. Ayon sa PHA, bukod sa marami ang umalis na nurses, marami rin ang nagkasakit ng COVID sa mga ito kaya kulang ang workforce sa mga ospital. Kung magpapatuloy ang pagdami ng infected, lalo nang kakapusin sa nurses ang mga ospital. Hiling nila na saklolohan sila ng mga nurses sa PNP, AFP at BPOs. Wala namang balita kung tatalima ang mga nurses sa hiling ng PHA.
Lubhang kailangan ang serbisyo ng mga nurses sa kasalukuyan. Magbukas sana ito sa mata ng pamahalaan para lakihan ang suweldo at mga benepisyo ng mga nurses at iba pang healthcare workers. Buhusan sila ng biyaya para hindi umalis ng bansa o lumipat ng trabaho.
- Latest