^

PSN Opinyon

Women Power: Anu-ano ang mga susi sa tagumpay para sa Pinay?

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Women Power: Anu-ano ang mga susi sa tagumpay para sa Pinay?
Ang mga babaeng ito ay nagmula sa iba’t ibang mga industriya at antas ng pamumuhay. Nagtagumpay sila, hindi dahil sila'y mas matalino, mas mayaman o mas masuwerte.
Image: Jordan Donaldson via Unsplash

Sa aking mahigit 20 taon bilang mamamahayag, isa sa mga itinuturing kong malaking biyaya ay ang mapaligiran ng mga matatalino at matagumpay na mga babaeng nagsisilbing inspirasyon, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng kababaihan.

Kabilang na rito ang public service icon na si Gina Lopez, Rappler Chief Executive Officer at Time 2018 Person of the Year na si Maria Ressa, entertainment gurus na sina Charo Santos- Concio at Cory Vidanes, at marami pang iba.

Nakapanayam ko na rin ang daan-daang women-CEOs, negosyante, lider ng industriya at mga pulitiko. Nakilala ko rin ang mga pang-araw-araw nating women-heroes tulad ng ating mga OFW, mga guro, Bantay Bata 163 social workers at aming volunteers sa Salamat Dok.

Ang mga babaeng ito ay nagmula sa iba’t ibang mga industriya at antas ng pamumuhay. Nagtagumpay sila, hindi dahil sila'y mas matalino, mas mayaman o mas masuwerte. Ang taglay nila ay ang tinatawag na Winner's Mindset o ang positibong kondisyon ng pag-iisip at determinasyong magtagumpay. Malaki ang naitulong nito para mahanap nila ang kanilang misyon. Ngayong Buwan ng Kababaihan, inimbitahan ko ang apat na kahanga-hangang kababaihan para ibahagi ang kanilang personal na karanasan at magbigay ng mga payo para makamit din ng kahit sino ang buhay na kanilang inaasam-asam.

[Panoorin ang aming Pamilya Talk episode.]

1. Huwag magpadikta sa pamantayan ng kagandahan o tagumpay ng ibang tao

Pinangalanan nina Mells Limcauco at Mia Bulatao ang kanilang bagong skincare line na "Unbranded" dahil gusto nilang magkaroon ang mga kababaihan ng sarili nilang kahulugan kung ano ang ibig sabihin ng maganda. Hindi mo kailangang maging maputi o magmukhang Kpop star o Spanish mestiza. Huwag kang magpapa-dikta sa pamantayang ng lipunan.

"Maraming pressure ang mga babae," sabi ni Mia. “Pakiramdam natin kailangan nating abutin ang standards at expectations ng iba. Pero hindi tayo puwedeng lagi na lang nagpipilit na makuha ang approval ng ibang tao. Huwag nating sukatin ang ating sarili ayon sa pakahulugan ng iba sa kagandahan o sa tagumpay."

2. Matutong humawak ng sariling pera

Ang OFW na si Tet Cudiamat-Lim ang nagtatag ng Frich Revolution. Layunin nitong bigyang-kakayahan ang mga OFW na mamuhay nang malaya at maginhawa. Dahil ang kanyang mga magulang ay OFW din, alam mismo ni Tet kung gaano kahirap ang magtrabaho para makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya. Pero sabi ni Tet, ang karamihan sa mga OFW ay hindi marunong humawak ng pera. Kaya naghihirap silang muli matapos ang kanilang kontrata.

"Upang maging mayaman, hindi ka lang dapat kumita ng maraming pera. Kailangan mong malaman kung paano gamitin ito. Magtipid, mag-ipon at mag-invest sa murang edad pa lang," sabi niya.

3. Magkaroon ng positibong pananaw

Sa edad na tatlong taong gulang, alam na ni Anna Ramsey na gusto niyang maging professional performer tulad ng kanyang lola na si Elizabeth Ramsey. Ngunit mahigpit ang kompetisyon sa showbiz. Kaya maraming taon din ang ginugol ni Anna para makagawa ng sariling pangalan bilang Radio DJ at mang-aawit, bago siya nabigyan ng kanyang break ngayon. "Kahit marami akong projects at job-offers ngayon, hindi ko pa rin naaabot ang rurok. Marami pa akong nais gawin,” sabi niyang punung-puno ng excitement at positibong pananaw.


Kahit na ikinukuwento ni Anna ang hirap na kanyang pinagdaanan, hindi pa rin nawala sa kanyang mukha ang ngiti. “Kailangan yung attitude na ‘huwag sumuko!’ Lalo mong pagbutihin ang sarili mo bilang paghahanda sa mga oportunidad na darating sa yo. May panahon at timing ang lahat ng bagay. Kaya importanteng maging pasensiyosa at maging positibo! Huwag nating ikumpara ang sarili natin sa iba.”

4. Tulungan ang sarili, para makatulong din sa iba

Madalas inuuna ng mga kababaihan ang pangangailangan ng ibang tao kaysa sa kanilang sarili. Kahit sa simpleng pagtatanong sa atin kung ano ang gusto nating ulam, madalas sabihin ng mga nanay na, “Kahit ano, hindi naman ako pihikan.”

Pero dapat ay matuto rin tayong unahin ang ating mga sarili — kung ano ang gusto natin at kung ano ang ating mga pangangailangan. Sabi ni Tet, para sa kanilang mga OFW, sinusuportohan nila ang buong pamilya nila, pati extended families. Lahat, inaasa sa kanila. Kaya naman ipinapadala nila sa pamilya nila ang bawat isang sentimo, nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang sarili o ang kanilang kinabukasan.

Paalala ni Tet sa mga OFW — at sa lahat ng mga kababaihang hindi binibigyang prayoridad ang kanilang mga sarili — kailangang alagaan mo ang iyong sarili para mas makatulong ka sa maraming tao. Kapag pinatatag mo ang iyong sarili, maaari kang magkaroon ng mas malaki, mas malawak at mas malalim na epekto sa mas nakararami.

5. Gamitin ang masakit na karanasan para mas magkaroon ng determinasyon

Upang mabago ang ating buhay, kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip. Kung minsan, nagmumula ito sa isang napakasakit na karanasan na siyang nagtutulak sa ating sabihing, "ayoko nang mangyari itong muli." Para kay Tet, dumating ang puntong iyon noong namatay ang kanyang ama, at wala siyang pera upang maiuwi ang kanyang bangkay. Magmula noon, mas naging determinado na siyang kumita. Ayaw na raw niya muling maramdaman na walang-wala at lugmok na lugmok siya. Higit sa lahat, ayaw raw niyang maranasan ito ng kanyang mga anak.

Ngayon na ang simula

“Sabi ng nanay ko, ngayon pa lang, gawin mo na araw-araw kung ano ang nais mong maging sa hinaharap,” kuwento ni Mia.

Ito’y isang napakagandang payo. Ngayon pa lang, umpisahan mo nang mas patalasin ang iyong kakayahan para unti-unti kang maging pinakamagandang bersiyon ng iyong sarili – sa kilos at pag-iisip.

Kung gusto mong magkaroon ng kumpiyansa sa sarili, magsalita ka sa mga meeting. Kung gusto mong maging mayaman, matuto kang humawak ng pera at magbudget nang tama.

Isipin ang inyong headline at idasal ito sa Diyos

“Malinaw sa akin kung ano ang gusto kong gawin nang planuhin ko ang aking career,” sabi ni Mells, na nagsimula ng isang kumpanya noong siya’y bente anyos. Kinalaunan, lumaki ito at binili ng Globe.

Sabi ni Mells, nakasanayan na niyang magtakda ng 5-taong target — at gumagamit siya ng visualization technique para makatulong na magkatotoo ang kanyang mga plano. “Isipin mo na nagbubukas ka ng diyaryo at binabasa mo ang kuwento tungkol sa iyo. Ano ang gusto mong headline ng buhay mo? Ano ang gusto mong sabihin ng artikulo?”

Puwedeng tungkol ito sa iyong mga target sa personal na buhay, sa career o maging sa iyong kita. “Ang tagumpay ay hindi lang nasusukat kung gaano kalaki ang iyong kinikita. Ang dapat na sagutin ay kung ano ang mahalaga sa iyo sa partikular na bahaging ito ng iyong buhay?” payo ni Mells. “Gaya ngayon, nais kong magturo sa iba pang entrepreneurs. Kapag iniisip ko ang headline, gusto kong tungkol sa kanila ang kuwento – kung paano nagtagumpay ang mga taong tinulungan ko.”

Sang-ayon ako kay Mells sa pag-visualize ng ating mga target sa buhay. Nakatutulong ang palagiang pagtingin sa mga dokumento o maging sa mga larawan ng mga gusto nating mangyari para ito’y mas mabilis na matupad. Pero kailangan ding ipagdasal ang mga ito. Kapag ipinagdadasal natin ang ating mga plano, kumakalma tayo at binibigyan natin ng pagkakataon ang Diyos para kausapin tayo at ipabatid sa atin ang Kanyang mga plano. Nakatutulong ang panalangin para mas luminaw ang ating isip at para mas maintindihan natin ang sitwasyon. Dito tayo nagkakaroon ng tinatawag na eureka moments o mga realisasyon na tanging Diyos lang ang makapagbibigay. Pinaka-importante’y dahil sa panalangin, nagkakaroon tayo ng tapang para gawin ang mahihirap na desisyon, lalo na kung iba ang nais ng Panginoon para sa atin kaysa sa ating gusto. Ngunit alam naman nating sa huli, Siya ang nakakaalam kung ano ang pinakamaganda para sa atin.

Panoorin ang full interview.

--

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa [email protected] You can also follow my social media accounts:  Instagram, Facebook, Youtube, Twitter,  and Kumu.

INTERNATIONAL WOMEN'S MONTH

SUCCESS STORY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with