TOTOO pala na may mga government officials na sumisingit sa pila para maunang mabakunahan. Pagkatapos aminin ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) noong Lunes na may mga opisyal ng gobyerno na “lumukso sa pila” para mabakunahan, dalawang mayor ang nag-post sa Facebook ng kanilang photos habang binabakunahan. Sa halip na paunahin ng mga government officials na ito ang mga health care workers (HCWs) at frontliners na mabakunahan, sila pa ang nauna sa pila. Ang dalawa ay sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez at Minglanilla, Cebu Mayor Elanito Peña.
Sabi ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega noong Lunes, ang IATF na ang bahala sa mga government official na sumisingit kung anong parusa ang ipapataw sa mga ito. Ayon pa kay Vega, hindi dapat mangyari ang pagsingit sapagkat ang prayoridad nila ay mga health care workers. Sabi naman ni DILG Usec Epimaco Densing, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon at kapag na-verified ang ginawa ng dalawang mayor, mag-iisyu na siya show cause order.
Ikinatwiran naman ni Mayor Romualdez na nagpabakuna siya para magkaroon ng tiwala sa bakuna ang mga tao. Para raw hindi matakot ang mamamayan. Ayaw daw niyang maakusahan ng double standard.
Sa ibang bansa, marami ring opisyal ng pamahalaan ang inakusahan dahil sa bakuna. Mayroon ding sumingit at mayroong pinaboran para unahing bakunahan. Pero ang nakakahanga sa mga opisyal na sumingit, nagbitiw sila sa puwesto makaraang batikusin ng mamamayan sa kanilang ginawa. Humingi sila ng kapatawaran sa pagkakamali.
Gaya ng health minister ng Ecuador na nagbitiw dahil sa matinding batikos na natanggap sa rollout ng bakuna kamakailan. Marami ang nagalit sapagkat nakialam si Juan Carlos Zevallos sa rollout ng bakuna sa isang nursing home na kinaroroonan ng kanyang ina.
Nagbitiw din sa puwesto ang Health Minister ng Peru na si Pilar Mazzetti makaraang lumabas sa mga pahayagan na ang dating presidente ng Peru na si Martin Vizcarra ay nabakunahan ng Sinopharm noong nakaraang Oktubre. Matinding batikos ang tinanggap ni Mazzetti dahil sa ginawang pagbakuna sa dating presidente.
Nagbitiw din ang health minister ng Argentina na si Gines Gonzalez Garcia dahil marami itong pinayagan na “makalukso” sa mahabang pila para mabakunahan.
Dito sa Pilipinas, mahirap mangyari na magbitiw ang mga opisyal. Hindi uso rito ang pagbibitiw kahit pa i-bashed sa social media. Wala nang hiya!