EDITORYAL - Unahing bakunahan ang mga guro
Maraming guro na ang nagpositibo sa COVID-19. Noong nakaraang taon, hiniling ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na ilabas ang bilang ng mga guro na nagpositibo sa COVID para ma-analyze ang sitwasyon at makaresponde. Ayon sa TDC, kung ang Philippine National Police (PNP) ay inihahayag ang mga miyembro na nagpopositibo, dapat ganito rin sa mga guro.
Noong nakaraang Biyernes, 15 guro sa Zambales na dumalo sa face-to-face seminar ang nagpositibo sa COVID. Ayon sa report, hinahanap na ang 300 pang mga guro na sinasabing nakasalamuha ng 15 at isasailalim ang mga ito sa swab test. Nasa isolation facilities na umano ang mga gurong nagpositibo sa COVID.
Dahil maraming guro ang tinatamaan ng COVID, maraming grupo na ang humihiling sa pamahalaan na iprayoridad din sa bakuna ang mga guro. Nasa 30 samahan ang humihiling na gawing A4 priority sa ilalim ng National Immunization Technical Advisory Group Resolution 1. Sa kasalukuyan nasa B1 priority ang mga guro.
Ayon sa grupo, dapat i-revised ang A4 priority kung saan ang mga nasasakop lamang ay mga firefighters, pulis at iba pang katulad ng mga itong nasa serbisyo. Dapat isama na rito ang mga nasa education sectors na kinabibilangan ng mga guro, support staff at day care workers. Ayon sa grupo, nasa 1.3 milyon ang mga guro na dapat bakunahan.
Nararapat na iprayoridad sa bakuna ang mga guro sapagkat nakaharap sila sa panganib na mahawahan ng virus. Kahit hindi pa alam o walang makapagsabi kung kailan ibabalik ang face-to-face classes, kailangang maisama sila sa mga prayoridad na dapat bakunahan.
Sa Cambodia, Indonesia, Russia, Saudi Arabia at Singapore, kabilang ang mga guro sa prayoridad sa bakuna. Mahalaga sa kanila na unang mabakunahan ang mga guro sapagkat gumaganap ang mga ito nang mahalagang tungkulin sa lipunan.
Nagpahayag naman ang UNICEF at UN Educational Scientific and Cultural Organization na irerekomenda nila sa mga bansa na iprayoridad ang mga guro sa babakunahan.
Marinig sana ng pamahalaan ang kahilingan na iprayoridad ang mga guro na mabakunahan. Kung ang mga unipormadong pulis at sundalo ay prayoridad ng pamahalaan, bakit hindi ang mga guro na gumaganap din ng mga mahahalagang papel para sa bansa. Gawing prayoridad sa bakuna ang mga guro.
- Latest