Noong tumakbo sa pagkapangulo ang yumaong aktor na si Fernando Poe Jr., may isang taong pakawala siguro ng kanyang katunggali na nagparehistro rin sa Comelec at ang pangalan ay si Fernando Po. Nuisance candidate ang tawag diyan. Panggulo sa eleksyon para lituhin ang pagbibilang ng boto. Nangyayari iyan tuwing eleksyon.
Ngayon, may nilulutong batas sa Kamara de Representante na naglalayong pagmultahin ang mga “panggulong kandidato” ng halagang Php100 libo. Ayon sa balita, aprubado na ito sa House panel ng Kamara. Ang naturang Bill ay akda ni Rep. Edgar Mary Sarmiento.
Sa tuwing may gaganaping halalan, madalas itong maging tampulan ng katatawanan. Madaling tukuyin ang nuisance candidate kung may layunin itong agawin ang boto ng isang malakas na kandidato sa pamamagitan ng paggamit ng pangalang halos kasing-tunog ng pangalan ng kandidatong malakas. Kagaya na lang ng pagpa-file ng COC ng isang “Po” laban sa mas sikat na “Poe.”
Ngunit hindi lahat ng kumakandidatong “never heard” ang pangalan ay may layuning manggulo. Maaaring ang taong ito ay may isinusulong na magandang agenda para sa bansa pero kulang naman siya sa popularidad. Dapat din iyang ikonsidera sa binubuong batas. Kung maganda ang layunin ng kandidato, huwag siyang ituring na panggulo sa eleksyon.
Isa sa mga criteria para payagang tumakbo ang isang gustong kumandidato ay ang kakayahang maglunsad ng national campaign kung ang puwestong pinupuntirya ay nasa pambansang lebel. Kailangan diyan ang malaking halagang aabot sa bilyones. Kaya ano pa ang fighting chance ng deserving candidate na walang pera?
Tuloy, ang mga naihahalal sa mga political positions ay hindi talaga kumakatawan sa mass base ng lipunan. Nakakalungkot. Napapanahon na para ang maipuwesto ay yaong tunay na karapat-dapat, kahit pa walang pangalang mataginting. Posible na iyan ngayon sa pamamagitan ng social media.