EDITORYAL - Panagutin, LTO at DOTr sa ‘di-nadeliber na plaka

Nangangamoy ang korapsiyon sa Land Trans­portation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr). Ito ay may kaugnayan sa mga bina­­yarang plaka noong 2013 na hanggang nga­yon ay hindi pa nadedeliber sa mga motorista. Sabi ni Sen. Richard Gordon, kinukumpleto na ng Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan ang mga sapat na ebidensiya para makasuhan ng plunder ang mga opisyal ng LTO at DOTr sa panahon­ ng P-Noy administration at ng kasalukuyang admi­nistration.

Mariing sinabi ni Gordon na pasok sa plunder ang kaso sapagkat malaki ang sangkot na pera. Sinabi ng senador na nagkakahalaga ng P50 mil­yon ang deal. Wala aniyang nakalaang piyansa sa kasong ito, ayon sa senador.

Ayon kay Gordon, nilagdaan nina Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya at undersecretary for legal affairs Jose Perpetuo Lotilla noong 2013 ang kon­trata sa joint venture PPI-JKG kahit walang pahintulot mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Nagbabala ang Commission on Audit (COA) sa LTO noong 2014 na itigil ang pakikipag-deal sapagkat labag daw sa procurement law ang kontrata. Ayon pa sa COA, kuwestiyunable ang kontrata­ sa­pagkat wala raw itong funding at walang approval ng NEDA at DBM. Ganunman, itinuloy pa rin ng LTO ang pakikipag-deal sa consortium at nagbayad­ ng P340,750,000 noong Hunyo 30, 2014, at P137,151,329 noong Hulyo 14, 2014.

Noong 2016, nag-isyu ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court na nagpapatigil sa production ng plaka ng mga motor vehicle at motorsiklo. Hindi na naedeliber ng PPI-JKG ang mga plakang binayaran sapagkat pumasok sa ibang supplier ang LTO – ang Trojan. Hanggang ngayon, ang Trojan pa rin umano ang nakakontrata sa LTO pero hindi pa rin naidedeliber ang mga plaka.

Nang maupo ang administrasyong Duterte noong 2016 at nagkaroon ng bagong pinuno ang DOTr, sinabi na sa kalagitnaan daw ng 2017 matatanggap ng mga motorista ang kanilang mga binayarang bagong plaka. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ng mga motorista ang binayarang plaka. Nagbayad ang mga motorista ng P450 para sa replacement ng kanilang plaka. Gaano karami ang perang nakamal ng LTO rito? Sandamukal.

Sana makumpleto agad ni Gordon ang mga ebi­densiya para masimulan na ang pag-iimbestiga at masampahan ng kaso ang mga “buwaya”.

Show comments