EDITORYAL - Bakunahan ang mga guro bago mag-face to face classes

Balak na ng Department of Education (DepEd) na ibalik ang face to face classes sa mga lugar na mababa ang COVID cases. Ganito rin ang panukala ng ilang senador sapagkat para sa kanila, wala namang batayan na pinagmumulan ng pagkalat ng virus ang face to face classes. Sa ibang bansa, ma­tagal na umanong binalik ang face to face classes.

Puwede nang pag-aralan ang balak ng DepEd na ibalik ang face to face classes. Maari nang subukan­ sapagkat may mga pahiwatig na ng pagbuti sa sitwasyon. Isa pa, nagsimula na ang rollout ng bakuna. Nagdadatingan na rin ang mga inorder na bakuna. Noong Huwebes ng gabi, dumating na ang Aztra­Seneca vaccine. Sa huling linggo ng Marso ay may paparating pang Sinovac. Unang dumating sa bansa ang Sinovac donasyon ng China. Ayon sa Malacañang, sa Mayo mag-uumpisa ang mass vaccination.

Sa ganitong magandang development, maaari nang subukang ibalik ang face to face classes para may mapakinabang na ang mga estudyanteng salat sa devices para sa distance learning. Dehado sa ganitong mode ng sistema ang mga walang ibibili ng devices. Mga maykaya lamang ang makakasunod sa distance learning.

Sa pinakahuling surbey ng Social Weather Sta­tions­ (SWS), apat sa 10 estudyante ang walang sapat na devices para sa distance learning. Ayon sa surbey, 27 percent lamang ang may sariling devices at 12 percent ang nanghiram, samantalang ang 0.3 percent­ ay nirentahan ang devices. Ang natitirang 42 percent ay napag-alamang wala talagang gamit o devices para makasunod sa distance learning.

Karaniwang gamit sa distance learning ang smartphone, desktop, laptop, tablet at TV. Pinakamataas ang Metro Manila (96 percent) sa rami ng mga estud­yanteng gumagamit ng devices. Sumunod ang Luzon (64 percent), Visayas (43 percent) at Mindanao (41 percent).

Ang mga estudyanteng walang gadgets para sa distance learning partikular ang mga nasa liblib na barangay ay binibigyan ng printed modules para nila magamit.

Simulan na ang pilot testing ng limited face to face classes sa mga lugar na mababa ang COVID cases. Pero bago simulan ang face to face classes, nararapat na mabakunahan muna ang mga guro para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante. At kahit nabakunahan na ang mga guro, mahigpit pa ring ipatupad ang health protocol.

Show comments