Single parent ka ba o ang kakilala mo? Bagong bill na pwedeng asahan para tumulong sa inyo

Solo parents are some of the strongest people in the world, but they can’t do it alone—especially during the current COVID-19 crisis.
Aditya Romansa via Unsplash

Bilib ako sa single parents! Marami akong kaibigan na hinaharap ang hamon na palakihin ang kanilang mga anak nang nag-iisa. Hanga ako sa kanilang araw-araw na pagbalanse ng kanilang mga responsibilidad. Minsan, tinatawag silang NayTay—o Nanay at Tatay—at sa kabila ng pagod, pressure at emosyonal na pasanin ng pag-asikaso sa lahat ng bagay nang nag-iisa, ginagawa pa rin nila ang lahat para maging maayos at masaya ang kanilang mga anak.

Mga karapatan ng single parents

Kahit anong lakas at tibay ng sinumang solo parent, kailangan pa rin nila ang suporta, lalo ngayong may krisis ng COVID-19. Nakasaad sa isang UNICEF report ukol sa epekto ng pandemya sa mga Pilipino na halos lahat ng mga sumagot sa survey ay nagkaroon ng matinding problemang-pinansiyal. Mas inaalala pa nila kung saan kukuha ng panggastos kaysa sa kung paano iiwasang mahawa sa virus. Malaking problema ito sa isang pamilyang nagtatrabaho ang mag-asawa, pero lalong problema ito sa isang solo parent na nag-iisa lang na breadwinner.

Sabi nga ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, “Those who have less in life should have more in law.” Paano ba makakakuha ang solo parents ng benepisyo at tulong-pinansiyal? Ano ba ang karapatan nila sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act?

Para linawin ang mga ito, inimbitahan ko si Rep. Lawrence Fortun (District 1, Agusan del Norte). Siya ang may-akda ng HB 907, na layong palawakin pa ang saklaw ng orihinal na Solo Parent Welfare Act (RA 8972), para magkaroon ng dagdag na benepisyo. Maaari ninyong panoorin ang full interview sa PamilyaTalk, pero narito ang ilan sa mga bago at magandang nilalaman ng batas.

Kinikilala nito ang iba't ibang mukha ng solo-parenting

Hindi lang mga balo at legally-separated ang maituturing na solo parents, kundi lahat ng mga mag-isang nagpapalaki ng kanilang mga anak. Maaaring kabilang dito ang mga babae na hindi kasal sa tatay ng kanilang anak, o iniwan ng partner, o sinumang hindi na maaaring makapagtrabaho dahil sa physical disability o pagkakakulong. Maaari ring ituring na solo parent ang mga kamag-anak na umako na ng responsibilidad na palakihin ang bata. Hindi man sila ang nagsilang o ligal na umampon sa bata, sila pa rin ang tumatayong Nanay at Tatay.

Kaya nais ng HB 907 na palawakin ang kahulugan ng "solo parent" para makita ang maraming mukha at antas ng pagiging magulang. Halimbawa, pinapayagan ng bagong Solo Parent Welfare Act ang ina na mag-apply ng card habang nagbubuntis pa lang para makatulong sa pagbabayad ng pre-natal supplements, lab tests at doktor.

Kinokonsidera nito ang kasalukuyang costs of living

Naisabatas ang RA 8972 noon pang 2000 o dalawampung taon na ang nakalipas! Para maging kuwalipikado, ang kita ng solo parents ay hindi dapat lalampas ng P8,000 kada buwan.

Ngunit dahil sa high cost of living, kahit ang solo parents na kumikita ng doble sa nasabing halaga ay mahihirapan pa ring pagkasyahin ang kita. Palalawakin ng HB 907 ang saklaw nito para maisama ang solo parents na kumikita ng mababa sa P250,000 kada taon o P20,000 kada buwan.

Dahil sa high cost of living, kahit ang solo parents na kumikita ng P8,001 pataas ay mahihirapan pa ring pagkasyahin ang kita.
Image by Steven Van Loy via Unsplash

Nagbibigay ng oportunidad para makapag-aral ang anak – at maging ang magulang!

Sabi ni Rep. Fortun, magbibigay ang HB 907 ng mas maraming educational benefits. Makakakuha ang solo parents ng scholarship plan para sa isang anak, at ang iba pang mga anak ay mabibigyang prayoridad sa education programs ng pamahalaan.

Bibigyan din ng ibang tulong gaya ng transportation allowance at discounts sa school supplies hanggang umabot sa 21 anyos ang bata. "Dati, ang cap para sa educational aid ay 18 anyos. Ngunit dahil sa K-12, nakita natin na magtatagal sa paaralan ang mga bata," paliwanag ni Fortun.

At ngayon, kahit ang magulang ay maaari nang mabigyan ng TESDA scholarships para makakuha ng dagdag na kaalaman o kasanayan. Sa aking personal na pananaw, ito ang isa sa pinakamagandang laman ng panukala. Makatutulong ito sa sinuman na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, o sa sinuman na kailangang tumigil sa pag-aaral para alagaan ang anak. Makatutulong ang dagdag na kakayahan para magkaroon ng ikabubuhay.

Magbibigay ito ng access sa free medical care

Makakakuha ang solo parents ng libreng medical at dental services, at libreng diagnostic at laboratory services sa mga pasilidad ng pamahalaan. Maaari rin silang mabigyan ng discount sa mga serbisyo sa mga pribadong ospital. Tuwing may sakuna at kalamidad, maaari rin silang makakuha ng social safety assistance.

Pinalakas na suporta sa unang tatlong taon

"Saan ako kukuha ng pambili ng gatas?" Ito ang kinatatakutan ng solo parents ng sanggol at toddlers, lalo na kung hindi nagbibigay ng anumang uri ng pinansiyal na suporta ang dating ka-relasyon.

Makatutulong ang HB 907 na pagaanin ang pinansiyal na problema sa unang tatlong taon. Makakakuha ang solo parents ng discount sa gatas, pagkain, micronutrient supplements, diapers, resetang gamot, bakuna at damit pambata.

May discount din para sa pangunahing bilihin at serbisyo.

May discount din ang solo parents sa pamasahe sa public transportation, bill sa tubig at kuryente, ilang pangunahing bilihin, restaurants, hotels at recreational facilities. May dagdag benepisyo at pribilehiyo rin sila mula sa GSIS, SSS, at PAG-IBIG. Kailangan lang nilang ipakita ang ID. Kailangang sumunod dito ang mga establisamento kung ayaw nilang magmulta ng hanggang P100,000.

Ngunit kung ang isang tao ay mayroong parehong Solo Parent ID at Senior's Citizen o PWD ID, kailangan nilang pumili kung ano ang gagamitin sa partikular na pagbili. Hindi puwedeng pagsama-samahin ang mga discount. Samakatuwid, hindi ka puwedeng makakuha ng 25% discount dahil ang isang card ay may 10 percent at 15 percent naman ang isa.

Suportado ang solo parents sa trabaho

Mahirap para sa sinuman na hatiin ang oras sa trabaho at pamilya, lalo na para sa solo parents dahil wala silang aasahang partner na makatutulong sa kanila. Kung minsan, kailangan nilang umabsent para dalhin ang maysakit na anak sa doktor o di kaya'y dumalo sa isang school event. Paano na kung wala silang kamag-anak o kapitbahay na puwedeng magbantay sa kanilang anak?

Kailangan natin ng tinatawag na "solo-parent friendly" workplaces. Ito ay bahagi ng parehong Solo Parents Welfare Act at Family Code na nagtatakda sa mga opisina na magkaroon ng childcare centers at lugar kung saan puwedeng mag-pump ng breastmilk. May dagdag na pitong araw na paid parental leave ang solo parents, maliban pa sa mga pribilehiyong ibinibigay sa kanila ng mga kasalukuyang batas.

Ngunit hindi lahat ng kumpanya ay sumusunod, at ilan sa kanila ay umiiwas nang kumuha ng solo parents dahil sa dagdag na gastusin at benepisyo. Ito'y maliwanag na diskriminasyon sa trabaho, ngunit ikakatwiran nila na kailangan ding mabuhay ng kumpanya, lalo na't naapektuhan ng pandemya ang kanilang kita.

Kaya bibigyan ng HB 907 ng incentives ang mga kumpanya. Ang mga pribadong kumpanya na kukuha ng 10 solo parents ay mabibigyan ng deduction sa kanilang gross income. Makatutulong ito para mapunuan ang gastos ng kumpanya at hihikayat sa iba na kumuha ng solo parents.

Govt. agencies, magsasama-sama para sa solo-parents benefits

Maglalaan ang Solo Parent Welfare Act ng kumprehensibong package ng mga benepisyo mula sa ba't ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng DSWD, CHED, TESDA, DTI at marami pang iba.

Mas madaling mag-apply ng ID

Noon pang 2000 umiiral ang Solo Parent Welfare Act ngunit maraming tao ang hindi nakakaalam kung paano o kung saan mag-a-apply para makakuha ng benepisyo.

Sabi ni Rep. Fortun, plano nilang magtalaga ng tao sa bawat LGU (kabilang ang isang licensed social worker) na makatutulong sa solo parents sa pagproseso ng aplikasyon at sasagot sa anumang tanong na mayroon sila. Bibigyan din sila ng listahan ng mga kailangang dokumento at requirements. Para sa iba pang detalye, panoorin ang aming interview sa aking YouTube Channel.

Para sa kapakanan ng lahat ng bata

Nakapasa na ang HB 907 sa Kamara at ngayo'y pinag-aaralan na ng Senado. Umaasa si Rep. Fortun na maisasapinal ito bago matapos ang taon. Sana ay hindi maantala ang panukalang ito at maisabatas na bago pa maging busy sa kampanya para sa eleksiyon.

Kaya sa ating mga Senador: bilisan ninyo! Malaking bagay ito para sa milyun-milyong pamilya at malaking pagbabago ang maidudulot nito sa buhay ng isang bata. Puwede nga ninyo itong gawing plataporma sa halalan.

Umaasa rin ako na maipatutupad ito nang tama. Kahit maganda itong tingnan sa papel, ang katibayan ay makikita kung makukuha ngang talaga ng solo parents ang mga ipinangakong benepisyo.

Kung hindi, mawawalan ng pagkakataon ang isang bata na magkaroon ng magandang kinabukasan.

 

--

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, Youtube, Twitter, and Kumu.

Show comments