Ang kaso ng ejectment o kaya ng forcible entry ay tumatalakay sa iisang isyu, ito ay kung sino ang may karapatan sa pisikal na posesyon ng lupa o ang tinatawag na “possession de facto”. Hindi pinag-uusapan dito kung sino ang may titulo o legal na karapatan (“possession de jure”). Pero kung parehong inaangkin ng magkabilang panig ang pagmamay-ari ng lupa ay puwede itong iresolba ng korte sa kaso ng ejectment para magkaalaman kung sino ang mas matimbang ang karapatan. Ito ang tinatalakay sa kaso ngayon.
Ang kasong ito ay tungkol sa isang lupa sa tabing dagat na may sukat na 109 metro kuwadrado at nakarehistro sa pangalan ni Andy at Lucy at sakop ng titulo (TCT No. 135910). Iyon nga lang, ipinawalambisa ang kasal nina Andy at Lucy dahil may una na palang pinakasalan si Andy. Pumunta sa America si Lucy at doon nagtrabaho. Pagbalik niya sa Pilipinas para magbakasyon ay laking gulat niya na ang bakanteng lote nila ay tinitirhan ng mga tao hindi niya kilala.
Nang magtanong siya sa mga nakatira ay napag-alaman niya na umuupa ang mga ito at nagbabayad kay Ernie na pamangkin ni Ester na siya daw may-ari ng lupa. Pinuntahan ni Lucy si Ernie at kinumpirma nito na sa tiyahin niyang si Ester ang lupa. Pinaalam ni Lucy sa lalaki na siya ang totoong may-ari at hindi ang tiyahin nito. Kaya kusang-loob na binitiwan nina Ester at Ernie ang lupa at ibinalik ang posesyon kay Lucy. Kinausap naman ni Lucy ang kapatid niyang si Chary para maging kinatawan o administrador niya sa lupa. Pinaupahan din niya at kinausap ang mga tao para direktang magbayad kay Chary. Pinalitan din niya ang kandado ng gate ng bakuran.
Tatlong linggo pa lang na nakaalis pabalik ng America si Lucy ay ipinaalam na sa kanya ni Chary na hindi na pinapasok sa lupa ang mga umuupa. Ang nangyari raw ay muling nagbalik sina Ernie at Ester. Sinira ang kandado gamit ang bolt cutter at pinagbawalan na ang mga umuupa na bumalik doon sabay nagpaskil ng anunsiyo na pinauupahan na muli ang lupa.
Nagpunta agad si Chary sa barangay at inireklamo ang insidente. Nagpadala din ng sulat ang abogado ni Lucy kina Ernie at Ester para kusang-loob silang umalis. Hindi natinag ang dalawa. Kaya napilitan si Lucy na magsampa sa MeTC ng kasong ejectment sabay humingi ng danyos para mapaalis sila sa lupa.
Sa kanilang sagot, ang depensa nina Ester at Ernie ay walang basehan sa batas ang reklamo ni Lucy at dapat daw ibasura ng korte. Hindi raw si Lucy ang totoong partido sa kaso dahil hindi naman siya ang may-ari nito. Sa titulo raw kasi ay inilarawan lang si Lucy bilang asawa ni Andy na siyang rehistradong may-ari ng lupa. Pero ang totoo ay pinawalambisa na ang kasal dahil pangalawang asawa lang siya. Idagdag pa na may ginawa na raw salaysay si Andy pabor sa kanila na tinatanggap na ang pagkaremata ng ari-arian na isinangla. Malinaw din daw sinaad ni Andy sa salaysay na si Ester na ang bagong may-ari ng lupa. Kaya ayon kina Ester at Ernie ay may karapatan sila na pumasok at gamitin ang lupa ayon sa kanilang nais.
Matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang MeTC pabor kay Lucy at laban kina Ernie/Ester. Pinag-utos ng korte na lisanin ng dalawa ang lupa at magbayad ng danyos pati gastos sa abogado. Parehas ang naging hatol ng RTC nang umapela ang dalawa. Base sa desisyon ng RTC, si Lucy ang isa sa may-ari ng lupa na nakuha habang mag-asawa pa sila ni Andy at hindi raw puwedeng ibenta ni Andy ang lupa na wala siyang permiso. Dineklara rin ng RTC na walang katibayan na sinangla at inilipat ni Andy ang pagmamay-ari ng lupa dahil lang sa Salaysay ng pagremata at pagtanggap na diumano ay ginawa nito.
Nang inakyat ang apela sa Court of Appeals (CA) ay binaliktad nito ang desisyon ng RTC at isinantabi. Ang desisyon daw ay walang epekto at hindi magiging hadlang kung sakali man na magsampa ng bagong kaso ang magkabilang panig para maresolba nag isyu sa kung sino talaga ang tunay na may-ari ng lupa. Tama kaya ang CA?
Ayon sa Supreme Court (SC), nagkamali ang CA sa ginawa nitong pagbasura sa kaso ng ejectment at hindi pag-intindi sa isyu ng pagmamay-ari ng magkabilang panig. Ang isyu raw kasi ng pagmamay-ari ng lupa ay kasama sa isyu ng posesyon.
Kahit pa totoo na hawak nina Ester at Ernie ang lupa na hindi alam ni Lucy ay kusang loob naman silang umalis nang ipaalam sa kanila ni Lucy na siya ang totoong may-ari nang magbalik ang babae galing sa Amerika. Kaya tahimik na hawak ni Lucy ang posesyon ng lupa at pinaupahan pa nga sa ibang tao nang biglang pumasok na naman sina Ester at Ernie sabay sinira ang kandado gamit ang bolt cutter. Pinalayas nila ang mga umuupa at naglagay ng karatulang “for rent”.
Ang mga ginawa nilang ito ang nagtulak kay Lucy para kasuhan sila. Kahit sabihin pa na sina Ester at Ernie ang may-ari ng lupa ay wala silang karapatan na ilagay ang batas sa kanilang mga kamay pati sapilitang palayasin ang mga umuupa kay Lucy. Dapat silang managot sa pagpasok sa lupa na hawak na ni Lucy. Kaya ang desisyon ng MeTC na kinatigan ng RTC ay dapat na ibalik (Esperal vs. Esperal and Biaoco, G.R. 229076, September 16, 2020).