Sa Lunes (Marso 1) ang simula ng Fire Prevention Month pero mas nauna nang nagparamdam ang mga sunud-sunod na sunog sa Metro Manila. Mula Enero 1 hanggang Pebrero 26, marami nang naitalang sunog sa Metro Manila at ilan sa mga ito ay may nagbuwis ng buhay. Kahapon, isang warehouse ang nasunog sa Tandang Sora, Sangandaan, Quezon City at dalawa ang nasugatan.
Sa sunog na naganap sa Parola Compound sa Tondo, Maynila noong nakaraang Linggo, lima ang namatay na kinabibilangan ng 37-anyos na ama at apat niyang anak na may edad 12, 10, 8 at 7. Noong Enero 8, dalawa ang namatay sa sunog sa Matahimik St. Bgy. Malaya, Quezon City. Mag-ama rin ang namatay.
Noong Pebrero 8, 30 bahay ang naabo sa Sarmiento St. Novaliches Proper, Quezon City at noong Pebrero 11, limang pamilya ang nawalan ng tirahan sa Baclaran, Parañaque City. Nagkaroon din ng sunog sa Tramo, Pasay City kung saan 60 pamilya ang nawalan ng tirahan. Karaniwang dahilan ng sunog ay napabayaang kandila, faulty electrical wiring, cell phone na nakasaksak sa charger at nag-overheat na electric fan.
Nararapat nang maglunsad ng kampanya ang Bureau of Fire Protection (BFP) para mabigyang babala ang publiko na mag-ingat sa sunog. Lalo pa sa panahong ito ng pandemya na halos lahat ng miyembro ng pamilya ay nasa bahay. Maraming naka-work from home at ang mga bata ay naka-online studies. Lahat nang gadgets ay gumagamit ng kuryente at maaaring nakasaksak sa iisang extension cord o ang tinatawag na octopus. Madaling mag-init ang mga saksakan kapag nag-overload at pagmumulan ng sunog.
Ngayong may pandemya ang tamang panahon para makapagsagawa ng inspection ang BFP sa mga gusali, eskuwelahan, boarding house o dormitoryo, at iba pang establishment. Samantalahin habang wala pang face to face classes. Marami sa mga dormitoryo at boarding house ang tinatawag na “firetrap” dahil sa kalumaan. Mga “takaw-sunog” na ang mga ito at lumalabag sa building code. Karamihan sa mga ito, walang fire exit at fire extinguisher sa biglaang pangangailangan.
Huwag nang hintayin pang magkaroon nang malalagim na sunog bago kumilos. Ngayon ang tamang pag-iinspeksiyon kasabay ang masigasig na kampanya sa publiko na mag-ingat sa sunog. Huwag hayaang tupukin ng apoy ang mga pinaghirapang ari-arian.