EDITORYAL - Huwag kalimutan ang pinaghirapan sa EDSA

Ginugunita ngayon ang ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power revolution. Tatlumpu’t limang taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang makasaysayang rebolusyon na walang pumatak na dugo. Ipinakita ng mga Pilipino sa buong mundo na sa pamamagitan nang pagkakaisa, napalayas ang diktador na si Pres. Ferdinand Marcos.

Dalawampung taon sa puwesto si Marcos at ma­raming nilabag na karapatang pantao mula nang ideklara ang martial law noong 1972. Maraming dumanas nang hindi makataong pagpapahirap mula sa mga sundalo. Maraming pinatay at ang mga bangkay ay hindi na natagpuan. Maraming itinapon sa talahiban, ilog at sapa na hanggang ngayon ay naghahanap ng hustisya.

Isang malaking aral na nakuha sa EDSA ay ang katotohanan na maaaring patalsikin ang lider na naging gahaman sa kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama, kayang itumba ang konkretong trono ng gahamang lider. Puwedeng palayasin ang nagmamalabis na lider sa pamamagitan ng pagkakaisa. Nabahag ang buntot ng gahamang lider nang makitang hindi natitinag kahit sagasaan ng tangke ang mga taong nagbari­kada sa EDSA.

Walang mas makapangyarihan sa bigkis-bigkis at pagsasama-sama ng mga tao. Ito ang pinakamatibay na kalasag laban sa nagma­malabis na pinuno at wala nang iba pa. Dahil sa ipi­nakitang ito, marami na ring mamamayan sa ibang bansa ang ginaya ang people power at nagta­gum­pay rin sila sa pagpapatalsik sa kanilang pinuno.

Huwag kalilimutan ang sinimulan at pinaghirapan sa EDSA. Alalahanin bawat taon ang ipinamalas na pagkakaisa sapagkat ito ang magpapa­lakas sa diwa ng bawat isa sakali’t may mga lider ng bansa na umabuso muli sa kapangyarihan. Ang alaala ng EDSA ang magpapalakas sa loob ng bawat isa para muling labanan ang mga magmamalabis na pinuno. Sa pagbabalik-alaala sa mga nangyari sa EDSA, mananariwa ang pagkakaisa at mabubuhay ang pagiging makabayan.

Show comments