MATATAGALAN pa bago bumalik ang sigla ng ekonomiya. Tantiya ng mga eksperto ay sa Setyembre 2022 pa magnonormal ang hanapbuhay. Ibig sabihin, marami pa ring aasa sa ayuda ng gobyerno at nakaaangat sa lipunan. Walang hanapbuhay, walang pera. Magsanay lahat diyan.
Mula 2020 pa lang nauso na ang palitan ng mga produkto. Imbes na magbayad ng cash, barter trading ang naging gawi. Ang mga restoran ay nagbabayad ng ulam para sa sangkap sa pagluto at sabon na panghugas sa kalan. May mga tindahan ng tela na nagpatahi ng face masks pamalit sa groceries. Pati mga komunidad ay bumuo ng kooperatiba para sa palitan ng damit, prutas, kagamitan. (Nagtanim ako ng gulay at pinalitan ng kakanin ng kapitbahay ko. Masarap! Meron pa?)
Nagpahugong ang Department of Trade and Industry na bawal ang palitan o barter. Umano, wala raw itong resibuhan kaya wala ring buwis na nakokolekta ang gobyerno. Umatras ang DTI matapos ang matinding batikos sa social media. Gayundin pinagmumura ang Department of Transportation nang balaan ang mga nagbibisikleta na bumili ng plaka, kundi’y kukumpiskahin ang mga sasakyan.
Walang magagawa ang gobyerno sa bagong normal na palitan. Sa barter nagsimula ang sinaunang kalakalan ng mga tribu. Sa gan’ung estilo rin nakaraos ang marami nu’ng Panahon ng Hapon. At gan’un ang dapat na pamamaraan hangga’t at miski matapos ang pandemya. Para mapakinabangan ang podukto ng isa’t isa, palitan ang pinakamainam.
Kasabay ng palitan ay ang pagtrabaho ng mas marami mula sa bahay. Mawawalan ng saysay sa iba’t ibang industriya ang opisina. Imbis na mag-goodtime ang magkakatrabaho, mauuso ang sosyalan ng magkakapitbahay. Malilipat sa komunidad ang mga gimikan, bars, sinehan, fitness gyms, fashion shops at marami pang ibang negosyo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).