Epektibong paraan para masupil ang mga riding-in-tandem criminals ay sa pamamagitan ng regular na pagpapatrulya ng mga pulis, mapaaraw man o gabi. Kapag may nakitang mga pulis na nagroronda, magdadalawang-isip ang mga kriminal na isagawa ang kanilang masamang balak. Dalawa ang kahahantungan ng mga kriminal kapag may nakaengkuwentrong pulis – maaaring sa ospital o sa libingan. Ang libingan ang lagi nang kinahahantungan.
Kung pananatilihin ang police visibility, tiyak na mauubos ang mga halang ang kaluluwa at magiging panatag ang kalooban ng mamamayan lalo na sa dis-oras ng gabi. Maraming natatakot na empleyado kapag umuuwi sa gabi sapagkat maaari silang mabiktima ng riding-in-tandem criminals. Bukod sa pagpatay, luminya na rin ang mga ito sa panghoholdap. Kadalasang ninanakawan nila ang mga 24-hour convenience store, gasolinahan at mga restaurant.
Noong Miyerkules ng gabi, pitong riding-in-tandem criminals ang napatay ng mga pulis Quezon City sa magkakahiwalay na operasyon. Nangholdap ang mga suspect at tinangay pa ang motorsiklo sa Commonwealth Avenue. Pero dahil may mga pulis na nagroronda, nahabol ang mga holdaper at napatay. Isang restoran sa Bgy. Batasan ang hinoldap ng riding-in-tandem. Nang papatakas na ang mga holdaper, nasalubong ng mga ito ang nagpapatrulyang pulis. Nagkabarilan. Patay ang mga holdaper. Nagkaroon din ng holdapan sa Bgy. Payatas, Commonwealth, Quezon City at napatay din ang mga holdaper ng mga pulis na nagroronda sa lugar.
Epektibo talaga kapag nagpapatrulya o nagroronda ang mga pulis lalo sa gabi. Walang kawala ang mga kriminal. Sana mapanatili ng Philippine National Police (PNP) ang ganitong pamamaraan laban sa mga kriminal.
Kamakailan, inilunsad ng PNP ang Tactical Motorcycle Riding Units (TMRUs) na pangtapat sa “riding-in-tandem criminals”. Sabi ni PNP chief Gen. Debold Sinas, ang TMRUs ay mga “strategically trained” motorcycle patrollers na handang rumesponde sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga kriminal.
Maganda ito. Kung mga nakamotorsiklo rin ang mga pulis na itatapat sa riding-in-tandem, tiyak na mauubos ang mga kriminal. Sana panatilihing may mga pulis sa kalye. Isabak ang TMRUs sa mga kriminal na naglipana sa gabi para ganap na malipol na ang mga ito.
Mapapanatag ang kalooban ng mamamayan kapag may nakikitang pulis sa lansangan. Hindi na sila matatakot lumabas dahil alam nilang may mga pulis na nagbabantay at magpuprotekta sa kanila.