Mga pananaw para gawing matatag ang pamilya sa gitna ng pandemya

Narito ang ilang mga pananaw na nakatulong sa akin bilang isang ina at asawa na nag-aalala rin sa epekto ng pandemya sa aking pamilya.
Keyut Subiyanto via Pexels

Paano naapektuhan ng pandemya ang inyong pamilya? Nag-aalala ba kayo kung paano mababayaran ang inyong bills dahil sa limitadong kita? Mas madalas ba kayong nag-aaway ng inyong partner? Balisa ba ang inyong anak dahil palaging nasa bahay, nahihirapan sa homework, o nagpapakita ng senyales ng depression?

Hindi lang kayo ang may ganitong nararamdaman at hindi lang din kayo ang kumikilos para malutas ito.   Sama-samang kumikilos ang lahat ng sektor ng lipunan — gobyerno, pribadong mga kumpanya, NGOs, at mga eksperto man sa iba’t ibang larangan — para suportahan ang pamilyang Pilipino na malampasan ang isa sa mga pinakamatinding krisis na kinahaharap nito.

Isang holistic dialogue

Isang karangalan ang maging moderator sa kauna-unahang Filipino Family Well-Being Virtual Conference 2021 na inorganisa ng Unilab Foundation, Inc. Nagpapasalamat ako sa Executive Director ng Unilab Foundation na si Lilibeth Aristorenas, at kina Dr. Shake Hocson (Program Director, Heads Up PH- Unilab Foundation) at Jefferson Hilario (Project Officer, Heads Up PH- Unilab Foundation) sa kanilang pagbuo ng Bayanihan for Well-Being (BWB) program. Dito’y nagsasama-sama ang mga magulang at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan para matulungan ang mga pamilyang Pilipino na mas tumibay kahit na may pandemya.

Kasama sa panelists sa aking session sina:

  • RJ at Jo Anna Serra, Couples for Christ
  • Pastor Choy Magdaong, Manager, Faith and Development – Operations, World Vision Development Foundation Inc.
  • Fr. Tito Caluag, Vice President for Academic Affairs and Formation, Magna Anima Teachers College
  • Dr. Rhea Concepcion, President, Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry
  • John Calidguid, Project Development Officer, Social Technology Bureau, DSWD
  • Nerrisa Gallo, 4Ps
  • Shiena Base, Technical Specialist on Child Protection, Educo Philippines

Napakahalaga ng ganitong mga dayalogo ukol sa “New Family in the New Normal.” Gaya ng sinabi ni Fr. Tito, dahil sa mga realidad tulad ng extended isolation o mass distance learning, napipilitan tayong maghanap ng bagong mga modelo. “May mga hamon ngayon na mahirap maintindihan o mahirap lutasin gamit ang mga lumang pamamaraan o mindset.”

Narito ang ilang mga pananaw na nakatulong sa akin bilang isang ina at asawa na nag-aalala rin sa epekto ng pandemya sa aking pamilya.

Online learning

“Nahihirapan ang mga bata. Feeling nila, araw-araw ay may exam,” sabi ni Nanay Nerissa Gallo of 4Ps. Lahat tayo’y nakaka-relate dito. Bagama’t ginagawa ng mga guro ang lahat para maipaliwanag ang mga aralin sa pamamagitan ng powerpoints at handouts, sa distance learning, kailangan pa ring sanay ang mga bata na mag-self-study. Mas malaki ring tulong mula sa mga magulang ang kailangan ng mga bata sa distance learning.

Pero paano kung parehong nagtatrabaho ang mga magulang, o limitado lang ang Internet access? Paano kung hindi “techie” ang mga magulang o kung may ibang istilo ang kanilang anak para matuto?  Bagay ang powerpoints at handouts sa mga bata na madaling matuto sa pamamagitan ng pagbabasa o pakikinig, Ngunit mayroong mga bata na natututo sa paggawa o pagkakaroon ng interaksyon sa iba.

Malaki ang pressure sa mga anak at sa mga magulang. “Kaya panahon na para mas maging malikhain,” sabi ni Dr. Rhea. “Importante ring matutong mag-delegate ang mga ina. Kailangan nilang isama ang ibang miyembro ng pamilya, at bigyan sila ng papel at responsibilidad.”

Maaaring turuan ni ate o kuya ang nakababata nilang kapatid o tumulong sila sa mga gawaing-bahay, para mas maraming oras si nanay para tumulong sa homework.  Dapat isaisantabi rin ng mag-asawa ang stereotype tungkol sa tradisyonal na papel ng mga tatay at nanay na nakasanayan na ng mga Pilipino —- gaya ng tanging ang nanay lang ang nakatutok sa pag-aaral ng mga bata at walang pakialam si tatay.

Sabi nina RJ at Anne, na may limang anak sa parehong pribado at pampublikong paaralan, puwedeng sabihin sa guro kung kailangan mo ng tulong. Kung may problema ka sa Internet, magtanong ukol sa offline modules o iba pang paraan para makapagsumite ng homework. “Nauunawaan ng mga guro ang inyong pinagdaraanan, at mayroon naman silang konsiderasyon.”

Stress sa buhay mag-asawa

Sa aking column noong nakaraang linggo ukol sa pagpapatibay sa pagsasama ng mag-asawa ngayong pandemya, nabanggit ko ang datos na sa iba’t ibang panig ng mundo, nauuwi na sa hiwalayan ang mga mag-partner dahil sa stress dala ng pandemya. Nakita sa survey sa ibang mga bansa na isa sa limang mag-asawa ay mas madalas nag-aaway, at 30 porsiyento naman ang nagsabing mas naiinis sila ngayon sa kanilang partner.

“Makinig sa isa’t isa, bigyang halaga ang maliliit na bagay, at huwag sumuko sa pag-ibig,” ayon kay Shiena.   Subukang alalahanin kung bakit kayo na-inlove sa isa’t isa. Maaaring naiinis kayo sa isa’t isa ngayon, ngunit may panahon na kayo’y in-love na in-love sa isa’t isa. Muli ninyong buhayin iyon.  “May yaman na nakukuha sa pakikinig, kasi mas nauunawan natin ang sitwasyon at lalim ng pangangailangan ng ating kausap,” dagdag ni Pastor Choy.

Ngunit binigyang-diin ni Shiena na hindi porke maunawain ka ay kukunsintihin mo na ang anumang pang-aabuso. “Ang pagtatalo ay bahagi ng buhay may-asawa, ngunit hindi katanggap tanggap ang pananakit,” sabi niya. Makikita ito ng inyong mga anak. Hindi lang ito mag-iiwan ng sugat sa kanilang emosyon, kundi iisipin din nila na normal lang ang pananakit sa isang relasyon.

Idinagdag ni Fr. Tito na ang isolation ay nakakadagdag sa stress at nauuwi sa karahasan. Kaya mahalaga na magkaroon ng koneksiyon – hindi lang sa inyong partner o sa pamilya, kundi sa ibang tao sa inyong komunidad. Kung nararamdaman ninyong nakakaapekto na ang stress sa inyong buhay may-asawa, makipag-usap kayo sa mga kaibigan, sa spiritual advisor, o sa isang marriage counselor. 

Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa

Ayon sa mga eksperto, ang depresyon at pagkabalisa o anxiety ang “second wave ng pandemya.” Malaki ang epekto ng isolation, stress mula sa problemang pinansiyal, at ang pagkawala ng karaniwang coping mechanisms.  Madalas itinatago ng mga magulang ang kanilang pagkabalisa dahil nais nilang maging matibay para sa kanilang pamilya.

Pero mas maganda kung aaminin natin na tayo’y takot at tatanggapin natin na walang perpektong sitwasyon o tao. Sabi nga nila, it’s okay not to be okay. Maging mabait tayo sa ating mga sarili, at hayaan natin ang ating mga sarili na magkamali. Makatutulong ito para madali tayong makapag-adjust sa bagong mundo natin ngayon.

Sinabi ni Pastor Choy na ang “ginhawa” ay ang pinakamalapit na kahulugan ng salitang “well-being.” Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay maghanap ng paraan para mapagaan ang ating pisikal at emosyonal na pasanin upang magkaroon ng malinaw at payapang kaisipan. Kabilang dito ang pag-aalaga sa sarili – o paglalaan ng 30 minuto bawat araw para sa mga bagay na gusto nating gawin, paghahayag ng ating saloobin sa isang journal, o paghingi ng tulong.

Sabi ni Pastor Choy, “Ang maginhawang pamilya ay nagsisimula sa maginhawang pagsasama ng mag-asawa.”   Ang mga bata ay nagkakaroon ng seguridad kung masaya ang kanyang tahanan, at sa isang tahanan, ang inyong kasal ang pundasyon. Kaya mas mahalaga ngayon na ilagay ang Diyos sa sentro ng inyong relasyon.  Ipagdasal ang isa’t isa at ipagdasal ang inyong kasal.

Pinansiyal na problema

Maraming mga tao ang nawalan ng trabaho o bumagsak ang negosyo. Kailangan nilang maghanap ng bagong paraan upang kumita. Para kina RJ at Jo Anna, kahit na naapektuhan ng pandemya ang kanilang negosyo, dapat pa ring mag-isip nang positibo at tingnan ang New Normal bilang pagkakataon para makakita ng bagong mga oportunidad.

Halimbawa, dahil sa lockdown ay naging mahirap para sa mga tao na bumili sa pinakamalapit na talipapa.  Ang mga tricycle driver na nawalan ng kita dahil sa ban sa pampublikong transportasyon ang naghatid ng sariwang karne at iba pang produkto sa mga barangay bilang tulong sa mga tindera, kasabay na rin ng pagkakaroon ng sariling kita.

“Maniwala na gaganda rin ang mga bagay-bagay, at matapos nating gawin ang lahat ng ating magagawa, ipasa-Diyos na lang natin ito. Huwag mawalan ng pag-asa. Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa,” sabi ni RJ.

Dagdag naman  ni John, puwedeng tumawag sa DSWD hotline sa  89318144, o sa lokal na pamahalaan ang mga gustong humingi ng tulong. May livelihood programs ang gobyerno o urban gardening programs na makatutulong magbigay ng food security sa inyong pamilya (basahin ang aking nakaraang column ukol sa urban gardening para sa karagdagang impormasyon ukol dito).

Kaya natin ito, basta’t sama-sama

Sabi nga, kailangan ng isang buong barangay para magpalaki at mag-aruga ng bata… at para protektahan ang pamilya sa panahon ng pandemya.

Sama-samang kumikilos ngayon ang mga pampubliko at pribadong sektor para bigyan ang mga pamilya ng suporta, at nang malampasan nila ang mga hamon na dulot ng COVID-19 pandemic.

Kayang-kaya kung sama-sama. Pre-COVID family photo kasama sina Fiona, Fiana, Fae at Nonong


Nagbibigay ang psychiatrists ng tele-consultation services, at nagsimula na rin silang mag-alok ng face-to-face consultations (basta’t sumusunod pa rin sa safety protocols).  Maaari rin kayong lumapit sa inyong parokya na maaaring magbigay ng psycho-social at ispiritwal na gabay.

Para sa tulong sa pag-aaral ng inyong mga anak, maaari ninyong lapitan ang mga guro at paaralan, o humanap ng libreng educational programs sa TV, radyo at sa internet.  Puwede rin kayong mag-download ng libro, module at iba pang materyales mula sa DepEd Commons.

Tumawag din sa pinakamalapit na DSWD field office para alamin ang iba’t ibang mga programa tulad ng supplemental feeding, livelihood programs, at iba pang serbisyo.

Nakipagtulungan na rin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Bayanihan Wellness Program ng Unilab Foundation para ilunsad ang Building Networks of Compassion program. Kasama rito ang seguridad sa pagkain, edukasyon, well-being, kabuhayan at trabaho — na ipatutupad sa mga parokya at iba pang mga lokal na komunidad.

Dayalogo at paglalakbay

Ang Filipino Family Well-Being Virtual Conference ay isa lang sa maraming dayalogo na kailangan natin – bilang isang pamilya at bilang isang bansa – upang malampasan natin ang krisis na ito nang sama-sama.

Ngunit gaya ng sinabi ni Shiena, dapat kasama sa dayalogong ito ang ating mga anak. Dapat nating malaman kung ano ang epektong dulot sa kanila ng pandemya at maging bukas tayo sa kanilang mga ideya.

Bilang ina at asawa, sanay akong gawin ang mga bagay-bagay nang nag-iisa. Ngunit dahil sa conference, namulat akong kailangan tayong maging bukas sa tulong ng iba.  Ang pandemya ay isa sa mga pinakamalaking problemang hinaharap ng mundo. Ngunit puwede rin nating gamitin ang pagkakataong ito para mag-bonding ang pamilya at mahubog nang tama ang ating mga anak. Gamitin natin ang krisis na ito bilang pagkakataon para makinig sa isa’t isa, matuto sa isa’t isa at maging malakas para sa isa’t isa.

Sabi nga ni Jo Anna, “Kapag nag-uusap kami ng mga anak ko tungkol sa pandemya, sinasabi ko sa kanila na talagang mahirap ngunit isang araw magbabalik-tanaw din tayo sa panahong ito. Kaya gumawa tayo ng magagandang alaala, magtulungan tayo, maging sensitibo sa pangangailangan ng bawat isa.  Dapat ay mas maging mabuti tayong tao at maging mas matatag an gating pamilya pagkatapos ng pandemyang ito.”

Maaari niyong panoorin ang buong video ng conference sa aking Facebook Page @JingCastaneda.


———————-

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, Youtube, Twitter, and Kumu.

 

Show comments