EDITORYAL - Plastic free na ang Quezon City
Mahigpit nang ipagbabawal ang paggamit ng plastic bags at single-use plastics sa Quezon City simula Marso 1 ng taong ito. Ito ang nakasaad sa City Ordinance 2868-2019. Ang mga lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin.
Una nang pinagbawal ang paggamit ng plastic bags at single-use plastics noong Enero 2020 subalit itinigil ang implementasyo noong Mayo dahil sa ipinatupad na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Maging sa mga hotel at restaurants ay ipagbabawal na rin ang plastics. Ang mga establisimentong lalabag ay may kaparusahan.
Sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, nararapat nang maisakatuparan ang matagal nang hinahangad ng lungsod na mabawasan ang mga basurang plastic. Ito rin ang sagot ng lungsod sa malawakang kampanya sa buong mundo para mabawasan ang greenhouse gas emissions. Ayon pa sa mayor, sa muling pagpapatupad ng plastic bag ban, naniniwala siyang magtatagumpay ito at magiging kaugalian na sa lungsod ang ‘di-paggamit ng plastic.
Nag-isyu rin ng memo si Belmonte na nag-uutos sa shopping malls, supermarkets, fast food chains, drug stores at iba pang retailers na ihinto ang pamamahagi ng plastic bags sa kanilang customers. “We will not allow the retailers to use plastic bags anymore at the check out counters. Kailangan nang magdala ng mamimili ng sarili nilang reusable bags,” sabi ni Belmonte.
Napakaganda ng hakbang na ito ng Quezon City. Sa pagbabawal sa plastic bags at single-use plastic, hindi lamang ang pagkasira ng kapaligiran ang maisasalba kundi pati na rin ang malawakang pagbaha sa lungsod. Napatunayan na ang mga single-use plastic na gaya ng sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, toothpaste, catsup, sando plastic bags at iba pa ang bumabara sa mga drainage. Dahil hindi nabubulok, nananatili ito sa matagal na panahon kaya hindi masolusyunan ang baha. Sa mga estero sa Metro Manila, pawang single-use plastic at plastic bags ang makikita.
Gayahin din sana ng ibang Metro mayors ang ginawa ng QC na pagbabawal sa plastic. Huwag nang hintaying mangyari ang sinabi ng mga environmentalist na malulunod sa basurang plastic ang taga-MM kapag hindi napigilan ang paggamit nito.
- Latest