Tamang zoning
ITO ang mahirap kapag nakatira malapit sa lugar na may malaking pabrika. Dalawa ang namatay nang tumagas ang tangke ng ammonia mula sa cold storage plant na pagmamay-ari ng pamilya ng mayor ng Navotas noong Miyerkules. Ang mga namatay ay empleyado ng nasabing planta. Kinailangan pang ma-evacuate ang mga residenteng nakatira malapit sa planta dahil sa lakas ng amoy. Nangako naman ang mayor na tutulungan nila ang mga naapektuhan ng leak.
Hindi talaga maipatupad nang maayos na zoning sa Metro Manila kaya may mga aksidenteng ganito. Kung nakahiwalay ang mga pabrika sa mga residential, mababawasan ang mga apektado pero dahil sa maliit lang ang ating lungsod, hindi maiwasan na magkakatabi ang mga bahay at pabrika. May mga industrial zones din naman tayo pero ang mga matatagal nang pabrika tulad ng pabrikang ito ang pinaligiran naman ng mga residente.
Delikado talaga kapag tumagas o sumingaw ang nakalalasong gas. Ang pinakamasamang aksidente na ganitong uri ay ang tumagas na methyl isocyanate gas mula sa pabrika ng pesticide sa Bhopal, India noong 1984. Nasa 3,700 ang mga namatay pero may mga nagsasabi na higit pa rito ang tunay na bilang na ayaw lang ilabas ng gobyerno ng India noon.
Maganda sana kung maipatutupad nang maayos ang zoning ng mga lugar. Ang mga pabrika na gumagamit ng nakalalasong gas ay dapat malayo sa populasyon para maiwasan ang masasamang aksidente. Dapat madalas din ang pag-inspeksyon sa mga kagamitan para may tugon kaagad kung may kagamitang dapat nang palitan o ayusin. Lahat nang pabrika ay dapat mataas ang prayoridad sa safety, hindi lang ng mga empleyado kundi ng komunidad na rin.
- Latest