(Last Part)
Binasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng mag-ina dahil hindi raw nila naipakita na hindi sakop ng kapangyarihan ng RTC ang kaso at isa pa, wala silang pruweba ng panloloko o extrinsic fraud. Ang pekeng salaysay ni Layla at ang anomalya sa mga birth certificate ay nangyari habang nakabinbin ang kaso sa RTC kaya hindi maituturing na extrinsic fraud. Tama kaya ang CA?
Mali, ayon sa Supreme Court. Ang kawalan ng kapangyarihan o lack of jurisdiction at ang panloloko na malinaw na labas sa nangyari sa kaso (extrinsic fraud) ang tanging paraan para mapawalambisa ang desisyon sa adoption at parehong meron nito sa kaso.
Ang jurisdiction ay base sa kung anong batas ang ipinatutupad nang isampa ang kaso at ito ay ang RA 8552. Sa nasabing batas, malinaw na nakasaad na kailangan ng lalaki na mag-aampon sa kanyang mga anak sa labas ng permiso mula sa kanyang asawa at sa mga tunay niyang anak na edad 10 pataas.
Kaya para maging legal na anak ni Harley ang kanyang ilehitimong anak ay sabay o magkasama dapat silang nagpetisyon ni Layla at dapat din siyang magsumite ng kasulatan na pinapahintulutan ng legal niyang anak na si Miya ang nasabing pag-ampon. Ito ay para masigurado na hindi magkakagulo ang magiging magkakapatid sa hinaharap.
Kaya dapat na personal na ipinaalam kina Layla at Miya ang tungkol sa pag-ampon. Hindi sapat ang pagpapalathala sa diyaryo o ang palusot ni Harley na constructive notice by publication. Kaya malinaw na kahit kailanman ay hindi nasakop ng kapangyarihan ng RTC sina Layla at Miya.
Tungkol naman sa tinatawag na extrinsic fraud, kung ang panloloko ay ginawa ng isang panig para pigilan ang kabila na makialam sa kaso, ito mismo ang tinatawag na extrinsic fraud at hindi na importante kung nameke ng dokumento o naghain ng kasinungalingan sa korte.
Sa kasong ito, malinaw sa mga kilos ni Harley na pinigilan niya sina Layla at Miya na malaman at makalaban sa kanyang petisyon. Kaya tama lang na ipawalambisa ang pag-ampon kina Guinevere at Alduous (Castro and Castro vs. Gregorio and Gregorio, G.R. 188801, October 15, 2014).