Digital Tambayans: Gusto mo bang maging internet star?
Noong nakaraang weekend, kakaiba ang naging movie night naming mag-asawa. Sa halip na pelikula, nanood kami ng TikTok at YouTube videos, kabilang na ang patok na videos nina Rosmar at Pambansang Kolokoy.
Sa aming panayam sa Teleradyo, sinabi ni Rosmar na kumikita siya ng mahigit P500,000.00 kada buwan, hindi pa kasama ang endorsement deals. Hindi na masama ito para sa isang tao na walang manager o pormal na internet training, at gumagamit lang ng simpleng camera o cellphone.
Ngunit ito’y barya lang kumpara sa kinikita ng mga big time na YouTubers at Twitch streamers. Ayon sa Forbes, ang YouTuber na may pinakamalaking kita worldwide ay ang siyam na taong gulang na si Ryan Koji ng Ryan’s World, na ang online content ay unboxing videos, DIY science experiments, at family story time. Kumita siya ng $29.5 milyon mula sa views, ads, at licensing fees, at mula sa sarili niyang product lines tulad ng toothpaste at walkie talkies.
Isa pang bata na milyonaryo na ngayon ay ang anim na taong gulang na si Nastya (Anastasia Radzinskaya), na kumita ng $18.95 million mula sa YouTube at Tiktok. Kung papanoorin ninyo ang kanyang channel, mukhang isa lang siyang ordinaryong pre-schooler na mahilig maglaro at may makulay na imahinasyon. Ang kanyang video kung saan nagkunwari siyang pulis na humuli sa kanyang tatay dahil sa paglabag sa batas trapiko ay nakakuha ng 90 milyong views.
Ang pagiging internet star: Pangarap vs katotohanan
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit ang mga bata ngayon—na lumaki sa panonood kay PewdiePie at Jake Paul—ay hindi na nangangarap maging doktor o guro. Ang pangarap nila ay ang maging ‘YouTube/Tiktok/Twitch star.’
Iniisip nila na madaling kumita rito. Ngunit ang totoo, ang tsansa na kumita nang milyon sa isang online channel ay halos kapareho lang ng tsansang manalo sa lotto. Ayon sa Fortune magazine, 96.5 percent ng YouTubers ay halos minimum wage lang ang kinikita mula sa kanilang mga video. Sa isa pang ulat ng Washington Post, 90 percent naman ng ad revenues ay napupunta lang sa mga YouTube channel na nasa top 3 percent. Kaya kakaunti na lang ang naiiwan sa mga ibang gusto rin ng “break” sa industriya.
Kaya ano ang gagawin mo kung sabihin ng anak mong pangarap niyang maging susunod na Internet star? Sa personal kong opinion, hahayaan ko siyang magsimula ng online channel bilang libangan lang. Puwede niyang maging paksa ang kanyang mga hilig, patalasin ang kanyang communication skills at creativity, masanay gumamit ng iba’t ibang editing tools, at matuto ng online marketing. Ang mga kakayahang ito ay kailangan ngayong digital age.
Ngunit kailangan ko ring bantayan ang mga senyales kung masyado na siyang nahuhumaling sa pagbilang ng likes, views at kinikita ng kanyang mga post. Maaari siyang magkaroon ng tiwala sa sarili mula sa mga positibong komento, pero puwede rin niyang maranasang ma-bully ng trolls. Maganda sana kung enjoy siya sa paggawa ng content. Pero baka rin ma-pressure na siya dahil sa kagustuhang makuha ng kanyang mga video ang ‘like’ ng mga tao. Para sa akin, hayaan na nating maging bata ang mga bata. Pero bilang magulang, tayo ang nasa tamang posisyon para timbangin kung ang personalidad ng ating mga anak ay akma para maging professional content creator o hindi.
Pagpapalaki ng digital natives
Ang Internet ay hindi solusyon sa lahat ng problema. Hindi rin ito bangko na parating magbibigay sa atin ng pera. Pero hindi rin natin dapat ituring na masama ang Internet. Ito’y isang platform, at sa ating mga anak, ito’y bahagi ng kanilang mundo. Sila ang tinatawag na digital natives, ang henerasyong ang laging takbuhan ay Google at mga app, para sa anuman nilang pangangailangan – mula sa impormasyong hinahanap nila, hanggang sa mga bibilhing pagkain o gamit. Kapag inilarawan natin sa kanila ang buhay bago ang Internet, akala nila’y ang panahon pa ni Rizal ang ikinukuwento natin.
Sa halip na ipagbawal ang Internet at labanan ang tinatawag na digital revolution, dapat nating tulungan ang ating mga anak na magkaroon ng tamang balanse, kritikal na pag-iisip at direksyon.
• Balanse. Hindi puwedeng maghapon sila sa kanilang phone at gadgets. Dapat may panahon para sa kanilang pamilya, hobbies na ginagamitan ng kamay, ehersisyo o pisikal na aktibidad, at higit sa lahat, panahong mapag-isa. Dahil sa tuluy-tuloy na pasok ng impormasyon, hindi na sila nabibigyan ng panahong makapag-isip, magmuni-muni at magproseso o iakma ang mga bagay-bagay para malaman ang totoo nilang nararamdaman.
• Kritikal na pag-iisip. Dahil sa internet algorithms, ang mga content na ating nakikita sa Internet ay batay sa ating madalas basahin o panoorin. Lumilikha ang mga ito ng “bubble of reality” kung saan hindi na tayo makakadiskubre ng mga bagong bagay dahil yun at yun na lang ang nakikita o napapanood natin. Ang mas malala pa nito, ikaw ay puwedeng maging biktima ng fake news at maling mga balita. Habang lumalaki ang ating mga anak, mahalaga na ituro sa kanila kung paano mag-isip para sa kanilang sarili para hindi sila matangay ng mga nakikita nila sa Internet.
• Direksyon. Makapangyarihan ang internet ngunit ang benepisyo nito ay nakabatay sa kung paano ito ginagamit. Magagamit natin ito para sa pagkuha ng impormasyon, paglilibang, pakikipag-ugnayan o para palakihin ang ating kita. Pero puwede ring masayang lang ang 12 oras kada araw para manood ng nakakatawang mga video, o para makipag-debate sa mga walang katapusang mga diskusyon at alitan sa internet.
Dito na papasok ang kahalagahan ng gabay ng magulang. Hindi tayo dapat maging “Internet police” na nagbibilang lang ng oras ng paggamit ng gadget o nagkokontrol sa apps na kanilang ginagamit. Dapat din natin silang turuan kung paano gagamitin ang internet sa kanilang kapakinabangan.
Kailangan dito ng tiyaga sa pagpapaliwanag at pagtuturo araw-araw. Noong lockdown, hinikayat ng kaibigan kong si KC ang dalawang anak niyang edad 10 at 15 anyos na mag-isip ng paraan kung paano makatutulong sa frontliners. “Kung magbibigay kami ng pera, hindi ito mararamdaman ng mga bata dahil wala silang ginawa. Gusto kong mayroon silang gawin,” sabi ni KC.
Nagpasya ang mga bata na mag-bake ng cookies at ibenta ito sa mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay. “Dinisenyo nila ang poster sa Canva, at bumuo sila ng mga ideya para sa promotion nito. Nag-post sila sa chat room ng paaralan at personal na nag-email at nagpadala ng mensahe sa mga kamag-anak. Nakakalap sila ng P15,750 at pinili nila kung saang grupo ito ibibigay,” sabi pa niya. Dito’y makikita ang paraan ng paggamit ng teknolohiya at internet marketing para makatulong sa iba.
Ang sarap ka-kuwentuhan ang TNT Boys (Keifer Sanchez, Mackie Empuerto at Francis Concepcion) tungkol sa kanilang buhay-pamilya at mga pangarap sa kanilang paglaki.
Ang digital tambayan
Ang Internet ay naging bagong paraan ko para maipagpatuloy ang aking passion para sa journalism at public service, at para maibahagi ko ang mga adbokasiya na malapit sa aking puso.
Mahigit 20 taon na ako sa broadcasting. Tuwing iniisip ko kung kailan ako pinakamasaya sa aking trabaho, ito ay hindi yung mga pagkakataong nasa harap ako ng camera sa studio; kundi tuwing nakakakuwentuhan ko ang mga manoonood at mga eksperto sa mga panayam. Humuhugot ako ng lakas mula sa aming mga usapan, at natutuwa ako kapag nakita kong nakatutulong akong ibigay sa kanila ang impormasyong kanilang hinahanap.
Kahit may television shows ako, itinuturing kong bagong playground ang aking digital shows sa Facebook, YouTube at Kumu. Pero tinitiyak kong sinusunod ko pa rin ang mga standard o ethics ng isang journalist – ang pag-beripika sa mga impormasyon, pagpili sa totoong mga eksperto, at pagkuha sa dalawang panig ng mga isyu. Iba rin kasi ang kuwentuhan sa Internet kaysa sat v – parang mas magaan at mas personal. Kaya para lang itong chikahan sa coffee shop kasama ang mga eksperto dahil puwede ring magpadala ng tanong ang mga followers na nanonood.
Ilan sa aking mga show sa Facebook, YouTube, at Kumu ang Pamilya Mondays (6:00pm), kung saan pinag-uusapan ang tips sa pagiging magulang, relationship at children’s issues, at mga isyu ng lipunan at programa ng gobyerno na nakakaapekto sa pamilya. Hindi lang mga subject matter expert ang mapapanood kundi kasama rin ang mga miyembro ng pamilya na followers ko na puwedeng magbahagi ng kanilang opinyon at personal na mga kuwento.
Sa KasamBuhay ChooseDay (Tuesday 7 p.m.), ang audience ang pumipili ng isyu na gusto nilang pag-usapan o ang kanilang stand ukol sa mga bagay – mga consumer issue, tips sa pagnenegosyo, inspiring stories at iba pa.
Tuwing Miyerkules, mayroon namang Okay, Doc (6 p.m.) para sa usaping pangkalusugan – isang paksa na malapit sa aking puso dahil na rin sa ilang taon ko sa Salamat Dok, at sa pagko-cover ng health beat sa TV Patrol. Maaari ring direktang magtanong ang aking followers sa ating grupo ng mga eksperto ukol sa kanilang problemang-pangkalusugan na para na ring libreng konsultasyon.
Sa TJIF o Tita Jing It’s Friday (9 p.m.), relaks lang tayo sa pagtatapos ng workweek. Kaya ang pinag-uusapan natin ay mga kuwentong nakapagbibigay-inpirasyon at iba pang nakatutuwang paksa tulad ng cooking at food reviews, favorite pasyalan, at iba pa.
Tuwing Sabado (9 p.m.), mayroon tayong Rated S-P-G (Showbiz, Pamilya, Gimik, at iba pa) kung saan kasama natin ang celebrities at iba pang showbiz authorities bilang mga co-host tulad ni Ambet Nabus. Dito’y nasisilip natin ang buhay-pamilya ng mga artista, pati na rin mga adbokasiya ng mga celebrity.
Enjoy akong gawin ang mga show na ito dahil mayroon akong special consultants – ang aking mga anak. Tinuturuan nila ako kung paano maglakbay sa digital world -- mula sa paggamit ng social media at pagpili ng mga paksang magugustuhan ng kanilang henerasyon, hanggang sa pag-set up ng aking laptop, wifi, at camera. Ito ang naging bago naming bonding activity at isang paraan upang kami’y makapag-usap kung paano naaapektuhan ng internet ang kanilang buhay.
Maraming matututuhan sa Digital World. Pero mas masaya kung sama-sama tayong matututo bilang isang pamilya. Kaya tumambay kayo sa aking Facebook, YouTube at Kumu, at sama-sama tayong maglakbay bilang mga magkakasama sa buhay, bilang mga KasamBuhay.
---
Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa [email protected]. You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Kumu and Twitter.
- Latest