Sa huling istatistika noong 2018, halos 11.6 million ang pangkalahatang bilang ng rehistro ng pribadong sasakyan sa buong bansa. Sa Metro Manila ay 2.8 million ang nakarehistro. Ito na ang topnotcher sa lahat ng rehiyon. Pumangalawa ang Calabarzon na may 1.5 million. At pangatlo ang Central Luzon na may 1.3 million. Ang Calabarzon at Central Luzon ay extension na rin ng Metro Manila. Maraming tagarito na binubuno ang araw-araw na biyahe parito’t paroon sa Kapitolyo kung nasaan ang trabaho at negosyo.
Itong nakaraang 2020, dahil sa COVID-19, malaki ang ibinaba ng rehistro ng sasakyan. Sa kabila nito, may dalawang regulasyon na ukol sa paggamit ng pribadong behikulo na napag-uusapan.
Ang una ay ang paggamit ng face mask sa loob ng sasakyan sakaling dalawa o mahigit ang pasahero. Matagal na itong patakaran ng IATF. Tulad ng lahat ng health protocols, layon nitong mabawasan ang pagkalat ng virus. Kapag nasa loob nga naman ng sasakyan ay walang magaganap na social distancing. Minimum protection na ang masks. Magkamag-anak kayong nakasakay at mula sa iisang “bubble”? Malay ba ng pulis. Iobliga pa ba natin silang inspeksyunin ang lebel ng relasyon ng lahat ng nakasakay sa kotse?
Ang mas mabigat na rekisitong bago ay ang car seats para sa mga bata. Hindi maitatatwa ang kahalagahan ng proteksiyon para sa mga menor-de-edad na bumibiyahe. Sa mga pag-aaral, napatunayan na hanggang 80% ng mga injuries mula sa car crashes ang naiiwasan kapag may tamang car seat protection. At hanggang 30% ang maiiwasan sa mga nangangamatay sa aksidente.
Hindi biro ang gastos sa car seats. Makasisiguro naman tayo na, gaya rin ng ibang bansa, magsusulputan ang mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong NGOs na magtatag ng programa para sa donation, loan at discount para sa mga nahirapang bumili.
Ang batas sa masks at car seats ay maaring pahirap. Subalit ang mga regulasyong ito ay hindi lamang para sa kapakanan ng lipunan. Tayo mismo ang pinuproteksiyunan at pangunahing makikinabang sa tinakda.