Sa kabila na masigasig ang Duterte administration sa pagsugpo sa korapsiyon, nananatili pa ring bigo ang Pilipinas sa paglaban dito at wala pa ring pagbabago, batay sa report ng Transparency International. Nakakuha ng score na 34 (scale mula 0 hanggang 100) batay sa kanilang 2020 Corruption Perceptions Index (CPI) kung saan mas mataas ang grado mas malinis ang bansa sa korapsyon. Ayon sa CPI, nasa pang-115 spot ang Pilipinas sa 180 bansa na talamak ang korapsiyon. Noong 2019, nasa pang-113 ang Pilipinas samantalang noong 2018 ay nasa pang-99. Kasama ng Pilipinas sa 115 spot ang Moldova. Ang Denmark at New Zealand ay nangunguna sa mga bansang walang korapsiyon samantalang pinakatalamak naman sa South Sudan at Somalia.
Kulang na kulang pa ang ginagawa ng pamahalaan para masugpo ang korapsiyon. Nararapat pang doblehin ng Duterte administration ang pagsisikap para ganap na madurog ang mga kurakot sa tanggapan ng pamahalaan. Maraming corrupt sa DPWH, BIR, Bureau of Customs, Bureau of Immigration at iba pang tanggapan.
Sabi pa nga niya noon, makaamoy lamang siya ng singaw ng korapsiyon sa isang tanggapan, sisibakin agad niya sa puwesto ang responsible. Wala nang tanung-tanong pa. Kaya nga ang payo niya sa mga inaakusahan, magbitiw na bago pa niya ipahiya.
Totoo na marami na siyang sinibak pero bakit patuloy pa rin ang korapsiyon. Isa sa hindi niya dapat ginagawa ay ang i-recycle sa government officials na kanyang sinibak. Kung isinuka na niya, huwag nang i-appoint pa. Lalong lulubha ang korapsiyon. Mahahawahan lahat kung ire-recycle na walang ipinagkaiba sa pagkalat ng COVID-19.
Ipinangako noon ng Presidente na bago siya bumaba sa 2022 ay sisikapin niyang malinis sa korapsiyon ang lahat ng tanggapan. Iiwan umano niyang walang bahid ng korapsiyon ang pamahalaan. Sana ay mangyari ang kanyang mga sinabi. Maawa sa mamamayan na matagal nang inaasam ang pamahalaan na walang katiwalian.