Ang kasong ito ay tungkol kay Mario na kasal kay Lourdes at may anim na anak, sina Manolo, Fred, Jun, Andy, Lita at Charlie. Si Mario ay nagtatrabaho sa airbase company sa mountain province. Pinayagan siyang tumira sa 493 square meters na lupang parte ng housing facility ng airbase. Nagtayo si Mario ng isang bahay sa ilalim ng kapangyarihan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).
Nang mamatay ang mag-asawang Mario at Lourdes, nagkasundo ang magkakapatid na gumawa ng dokumento (Deed of Adjudication of Real Property and Quitclaim) kung saan isinusuko na nina Fred, Jun, Andy at Charlie ang karapatan at interes nila sa lupa pabor kina Manolo at Lita. Sa pamamagitan ng nasabing dokumento ay tuluyang napunta kina Manolo at Lita ang lupa nang mabigyan sila ng Certificate of Lot Award sa kanilang pangalan. Dalawang araw matapos nito ay naparehistro ang lupa sa pangalan ni Manolo at nabigay sa kanya ang titulo (TCT No. 89527) nito. Kinuha ni Manolo ang posesyon ng lupa at nagtayo ng bahay doon. Kapag bumabalik sila galing Amerika, doon sila tumitira.
Bandang huli, nalaman ni Manolo na pumasok sa lupa si Fred at tumira roon na hindi nagpapaalam sa kanya. Nang bumalik siya ng Pilipinas, sinubukan niya na makipagkasundo kay Fred pero imbes na humingi ng tawad ay tinakot pa siya nito na sasaktan kapag binawi niya ang lupa. Kaya napilitan si Manolo na magsampa ng reklamo (forcible entry and damages) sa Municipal Trial City Court para mapaalis si Fred mula sa lupa dahil ito nga ay ibinigay na sa kanila ng kapatid niyang si Lita at hawak na nila ang lupa bukod sa nagpagawa na sila roon.
Sa parte niya, ang palusot ni Fred sa kanyang sagot ay mana raw nila ang lupa mula sa kanilang mga magulang at dapat ay paghatian nila ito ng kanyang mga kapatid. Ang dokumentong Deed of Adjudication and Quitclaim ay kunwari lang daw at ginawa lang para mapabilis ang pagbibigay sa kanila ng lupa pero ang totoo daw ay sa buong pamilya iyon at lahat sila pati na ang kani-kanilang pamilya ay dapat makinabang. Hindi naman daw talaga nakuha ni Manolo ang posesyon sa lupa at si Lita pa nga ang nagpagawa para mapaganda ito.
Sa desisyon ng MTCC, binasura ang reklamo ni Manolo dahil daw hindi napatunayan na una niyang hawak ang lupa. Napag-alaman din na hindi raw nakuha ang lupa mula kay Manolo gamit ang dahas, pananakot, puwersa o panloloko.
Sa apela, binaliktad ng RTC ang desisyon ng MTCC. Sapat daw ang mga paratang na nakapaloob sa reklamo ni Manolo para patunayan na una siyang may hawak ng lupa bago ito nakuha sa kanya ni Fred sa pamamagitan ng panloloko. Uubra na daw ang nakasaad na kinuha ni Manolo ang bahay at lahat ng mga gamit dito para gamitin na tirahan niya kapag bumabalik siya sa Pilipinas pagkatapos na ipagkaloob ito ng mga kapatid sa kanya at kay Lita. Ang paratang din na pumasok si Fred sa bahay na walang pahintulot ay sapat na para sabihin na nanloko siya. Ang desisyon na ito ay binaliktad din ng Court of Appeals na kinatigan ang naging hatol ng MTCC. Tama ba ang CA?
MALI. Ayon sa Supreme Court, ang nakasaad sa batas (Section 1, Rule 70 Rules of Court) ay sapat na ang maglagay ng mga detalye sa reklamo tungkol sa una niyang hawak ang lupa at kinuha sa kanya ito sa pamamagitan ng puwersa, pananakot, dahas o panloloko.
Sa kasong ito, dineklara ng SC na sapat na ang mga nakasulat sa reklamo para patunayan ang mga elemento ng forcible entry o sapilitang pagpasok. Hawak ni Manolo ang posesyon ng lupa at mga nakatirik dito at ginagamit niya ang bahay sa tuwing uuwi siya. Ang posesyon ay hindi kailangan na tunay na hawak at sapat na ang tinatawag na “possession de facto”.
Ibig sabihin, hindi lang dahil hawak niya ang lupa kundi dahil anuman ang nais niya ay magagawa niya bilang may-ari dahil nagawa na niya ang lahat ng pormalidad para maging tunay na may-ari nito. Siya ang nakarehistro sa titulo sa ilalim ng Torrens system natin. Ang ginawa naman ni Fred na pagpasok sa lupa na walang paalam ay papasok sa “stealth” o panloloko dahil nasa ibang bansa noon si Manolo. Sikreto siyang pumasok sa bahay at lupa ng iba (Madayag vs. Madayag, G.R. 217576, January 20, 2020).