^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga baboy na itinapon sa dagat

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mga baboy na itinapon sa dagat

Nauulit na naman ang pagtatapon ng mga baboy na hinihinalang may African Swine Fever (ASF). Noong Sabado, natagpuan ang maraming patay na baboy sa dalampasigan ng Bgy. Estrella, Naujan, Orien­tal Mindoro. Sabi ni Naujan Mayor Mark Marcos, isang mangingisda ang nakakita na may isang barko na may kargang mga baboy na galing Iloilo ang nagtapon ng mga baboy. Hindi naman nabatid kung buhay o patay na ang mga baboy nang itapon. Ipinalibing na ang mga baboy, ayon kay Mayor Marcos. Bago inilibing, kumuha umano ng samples ang mga opisyal para ipaeksamin kung may ASF ang mga baboy. Hindi pa lumalabas ang resulta. Bukod sa Naujan, may mga nakita ring patay na baboy sa dalampasigan ng Pola, Oriental Mindoro. Nag-aalala ang mga nag-aalaga ng baboy sa taga-Oriental Mindoro sapagkat walang kaso ng ASF sa kanilang pro­binsiya.

Nagdudulot ng pangamba ang balitang ito. Wala pang inihahayag ang Department of Agriculture (DA) tungkol sa mga itinapong baboy sa Naujan. Nararapat na gumawa sila ng hakbang para matunton ang mga responsable sa pagtatapon ng mga baboy sa dagat. Pa­nagutin ang mga ito. Kung may ASF ang mga baboy na nakita sa Naujan, delikadong kumalat ang sakit. Nasa peligro ang mga nag-aalaga ng baboy sa Mindoro. Mawa­walan sila nang pagkakakitaan. Lalo nang magiging mahirap ang buhay lalo pa’t nasa panahon ng pandemya.

Ang kaso ng ASF ang dahilan kaya mataas ang presyo­ ng baboy sa merkado ngayon. Nasa mahigit P400 ang bawat kilo ng baboy. Iminungkahi na ang price freeze sa karne ng baboy at iba pang produkto.

Nararapat kumilos ang DA at Bureau of Animal Industry sa nangyayaring ito. Nakakabagabag ang pagkalat ng ASF. Baka hindi namamalayan na ang mga nabibiling karne sa pamilihan ay may ASF lalo pa’t marami ang nag-aalaga ng baboy sa likod-bahay.

Kumalat na ang ASF sa Metro Manila at Luzon noong Setyembre 2019. Maraming namatay na baboy sa Marikina, Rodriguez, Rizal at Guiguinto, Bulacan. Ang mga namatay na baboy ay tinapon sa Marikina River.

Ayon sa report, nakarating ang ASF sa bansa dahil­ sa mga pagkain (gaya ng pork) na dala ng mga foreigners­ na naka-check in sa mga malalaking hotel. Ayon sa DA, ang mga tirang pagkain sa hotel ay kinokolekta ng mga may-ari ng babuyan at ito ang pinakakain sa mga alaga.

Nararapat kumilos ang DA at BAI sa pagmonitor sa mga nag-aalaga ng baboy. Maaaring hindi na inirereport ng mga ito kung may sakit ang kanilang mga alagang baboy at kapag namatay ay itatapon na lamang sa kung saan-saan. Huwag hayaang kumalat ang ASF.

AFRICAN SWINE FEVER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with