Binitawang mga payo ito ni Charlie Chaplin bago pumanaw sa edad na 88:
• Walang forever sa mundo, miski problema.
• Hilig kong maglakad sa ulan kasi walang nakakakita ng luha ko.
• Pinaka-naaksayang araw sa buhay ay ‘yung hindi ka tumawa.
• Pinaka-mahuhusay na doktor sa mundo: Araw, Pahinga, Pagpapawis, Wastong Kain, Respeto sa Sarili, Kaibigan. Tumalima sa anim na “doktor”, upang maging malusog habambuhay.
Oo nga naman, pahalagahan ang sarili. Sa pagsilay sa buwan, makikita mo ang ganda ng Diyos. Sa pagsilay sa araw, makikita mo ang kapangyarihan ng Diyos. Sa pagtingin mo sa salamin, makikita mo ang pinaka-mahalagang likha ng Diyos.
(Ito naman ay isina-Tagalog; sayang, hindi binanggit ang awtor.)
Bago pa man pumanaw ang ama, ipinamana niya sa anak ang relo na 200 taon na, minana niya rin sa lolo niya. “Pero puntahan mo ‘yung repairman ng relo sa kanto at itanong kung magkano niya ito bibilhin.”
Sumunod ang anak. “P250 raw ang ibabayad niya kasi luma na.”
Pinapunta naman ng ama ang anak sa alahera, para itanong din kung magkano bibilhin ang relo sa kanya.
Pagbalik, sinabi na anak na P2,500 ang turing para sa gold shell.
“Ngayon naman pumunta ka sa museo at tanungin kung magkano nila bibilhin ang relo sa iyo,” utos ng ama.
Muli nagtanong ang anak, at nagitla kaya agad nagkuwento sa ama. “Hindi raw bababa sa P2.5 milyon ang presyo ng antigong relo!” “Mainam, anak,” anang nagalak na ama. “Nais ko ipabatid na ang nakakakilala sa iyo ay alam ang tunay na halaga mo. Sa kanila ka lang magsasama, huwag sa hindi nagpapahalaga sa iyo. Alisin ang sarili sa lugar at samahan na hindi mo ikauunlad.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).