Nakakagulat ang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na luwagan ang age restrictions sa mga lugar na nasa modified general community quarantine. Ayon sa IATF, pinapayagan nang makalabas ng bahay ang edad 10 hanggang 65.
Isa sa mga dahilan ng IATF kaya nagdesisyong payagan nang makalabas ang mga bata ay para raw dumami ang mga customer sa mga malls, restaurant at nang makabangon na ang ekonomiya. Sa kasalukuyan, ang mga nasa edad 15 hanggang 65-anyos lang ang pinapayagang lumabas.
Maraming sumasalungat sa pasyang ito. Mala-lagay sa peligro ang buhay ng mga bata. Lalo ngayon na may nakapasok nang bagong variant ng COVID sa bansa na ayon sa mga eksperto ay mas mabilis makahawa. Kapag pinayagang makalabas ang mga bata, para silang iniumang sa isang mabangis na kalaban. Hindi dapat sundin ang kagustuhang ito para lamang sa layunin na madagdagan ang mga customer at makabangon na ang ekonomiya.
Noong nakaraang Disyembre, mahigpit na tinutulan ng mga mayor sa Metro Manila ang mungkahi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na payagan nang makapasok sa mall dito sa Metro Manila ang mga bata para raw maging masaya ang Pasko.
Sabi ng DILG, papayagan ang mga bata na makapunta o makapamasyal sa malls basta may kasamang magulang o guardians. Ipatutupad umano ito sa National Capital Region (NCR) at mga lugar nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ). Kailangan lang daw lumikha ng ordinansa ang mga mayor ukol dito.
Pero tinutulan ng Metro mayors ang panukala ng DILG. Pati mga doktor at PNP ay hindi payag. Ayon sa PNP posibleng mahawahan ang mga bata kaya makikipag-usap sila sa manager ng malls na huwag papasukin ang minor. Ayon naman sa mga doktor, “superspreaders” ng COVID ang mga bata kapag pinayagang makalabas.
Hindi dapat payagan ang mga bata na magtungo sa malls, restaurant, parks at iba pang lugar. Delikadong makasagap sila ng virus. Hindi dapat isapalaran ang kalusugan ng mga bata. Kaya nga hindi pinayagan ang face-to-face classes ay para makaiwas ang mga bata sa virus at ngayon ay papayagan sa malls. Huwag munang palabasin ang mga bata sapagkat delikado.