HUMIHILING ang labor group na itaas ang minimum wage sa Metro Manila dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Sa kasalukuyan, 537 ang minimum wage ng mga manggagawa. Hindi na kasya ang halagang ito para maibili ng mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Kulang na kulang at wala nang ihihigpit pa ng sinturon para mapagkasya ang P537. Bukod sa mataas na bilihin, nagbabayad pa ng upa sa bahay, bayad sa kuryente at tubig. Humihiling ang mga manggagawa na itaas sa P650 ang minimum wage para makahabol sila sa mataas na presyo ng bilihin.
Mula nang pumasok ang 2021, naramdaman na ng mga maliliit na consumers ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Hindi anila magandang pasalubong ito sa bagong taon sapagkat halos lahat ng mamamayan (partikular ang mga mahihirap) ay apektado ng pandemya. Marami ang nawalan ng trabaho at sa kasalukuyan ay hindi malaman kung saan hahagilapin ang sunod na ibibili ng pagkain.
Unang naramdaman ang mataas na presyo ng karneng baboy na sa kasalukuyan ay P400 ang 1 kilo. Mataas din ang presyo ng karneng baka na ngayon ay P380-400 ang kilo. Tumaas din ang kilo ng manok na ngayon ay P380.
Pati mga gulay ay tumaas din. Ang talong ay P120 hanggang P180 ang kilo; sitaw, P80 ang kilo; petsay, P140-180 ang kilo; bawang, 100 ang kilo at ang siling labuyo, P800-1,000 ang kilo.
Sabi ng Department of Agriculture, ang kawalan daw ng matatag na suplay ang dahilan kaya mataas ang presyo ng karne at gulay. Kaya raw mataas ang presyo ng gulay ay dahil sa malamig na panahon. Wala namang sinabi ang DA kung bakit mataas ang presyo ng karne sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Kawawa naman ang kakarampot ang suweldo na pinagkakasya lamang para makaraos sa maghapon. Sana naman makagawa ng paraan ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng mga bilihin para maabot ng mga kawawang consumers. Kung walang magagawang paraan, dapat na ngang itaas ang minimum wage. Maawa sa mga isang kahig, isang tuka.