Ang kasong ito ay tungkol sa titser na nagparusa sa kanyang estudyante. Ang tanong ay kung mapaparusahan sa ilalim ng RA 7610 ang isang guro na may karapatan na dumisiplina sa kanyang mga estudyante.
Titser sa elementarya si Rosa. Isang umaga, bago mag-umpisa ang klase at habang natutulog sa kawayang sopa si Rosa ay biglang pumasok si Ronnie at aksidenteng nabunggo ang tuhod ng titser. Inutusan ni Rosa si Ronnie na humingi ng paumanhin sa kanya pero hindi ito ginawa ng estudyante at dumiretso lang sa kanyang upuan.
Ang ginawa ni Rosa ay kinurot sa singit si Ronnie. Hindi pa nakuntento ay hinawakan sa magkabilang kili-kili ang bata at itinulak. Napahampas sa mesa ng titser si Ronnie at nawalan ng malay. Pero hindi pa nakuntento si Rosa at piningot sa tenga si Ronnie sabay paulit-ulit na hinampas sa sahig ang bata.
Matapos ang insidente, nag-umpisa na sa pagtuturo si Rosa. Noong tanghalian ay tinulungan ng dalawang kaklase si Ronnie para makauwi. Umuwi ang bata na umiiyak pa rin. Kaya sina Bela at Arlyn na ang nagkuwento na rin sa nanay ni Ronnie sa nangyari. Pumunta sa kapitan ng barangay ang nanay at tiyahin ng bata para magreklamo. Pinayuhan sila na ipasuri ang bata sa doktor kaya pumunta sila sa ospital at sinuri si Ronnie ni Dra. Millie. Gumawa ang doktora ng kaukulang report na ginamit sa pagsasampa ng reklamo sa pulis.
Ayon sa medical report ni Dra. Millie ay nagkaroon ng 1) mga pasa sa magkabilang tenga si Ronnie sanhi ng pagkakapingot, 2) pamamaga ng mga kalamnan dahil sa pagkakatama sa matigas na bagay at 3) mga sugat sa kaliwang hita dahil sa tindi ng pagkakakurot at 4) sakit sa taas na bahagi ng kaliwang hita kaya nahihirapan si Ronnie sa paglalakad.
Kaya’t sinampahan si Rosa ng kasong child abuse sa RTC ng kanilang probinsiya. Sa paglilitis ay tumestigo si Ronnie at ang doktora samantalang si Rosa lang ang tumayong testigo para ipagtanggol ang sarili. Hindi naman daw niya sinadyang maltratuhin ang bata at gusto lang niyang disiplinahin dahil sa ginawa at dahil nga siya ang titser nito. Para na rin sa ikabubuti ni Ronnie.
Pero hinatulan pa rin ng RTC si Rosa sa kasong child abuse (Section 10, a, Article VI, RA 7610) at ang parusa ay apat na taon, dalawang buwan at isang araw na kulong hanggang anim na taon at isang araw. Pareho ang naging hatol ng CA pero hinabaan pa hanggang 10 taon at 1 araw ang sentensiya.
Inapela pa rin ni Rosa hanggang Supreme Court ang kaso at ang kinakatwiran ay paraan lang ng pagdidisiplina ang ginawa niya kay Ronnie bilang guro nito. Para raw ito sa ikabubuti ng bata dahil siya ang tumatayong pangalawang magulang sa eskuwelahan.
Pero hindi naniwala sa kanya ang SC. Ayon sa SC, kahit pa siya ang titser ng bata at karapatan niya na disiplinahin si Ronnie ay wala siyang karapatan na saktan ang pobre. Ang pananakit niya ay higit sa kinakailangan, sobra-sobra at sadyang marahas. Ang labis na pagmamalupit/pagmamaltrato sa bata ang mismong ipinagbabawal sa Family Code (Art. 233) o ang tinatawag na corporal punishment.
Katunayan na labis ang ginawa niya sa bata ay ang mismong resulta ng medical report ng doctor na sumuri kay Ronnie. Hindi makatao at sadyang nakakaawa ang dinanas ng bata sa kanyang kamay. Malinaw na child abuse ito sa ilalim ng Sec. 3(d),2, RA 7610 kaya dapat lang siyang parusahan lalo at nalaman na may iba pa siyang kaso ng pang-aabuso sa bata (Rosaldes vs. People, G.R. 173988, October 8, 2014).