Tumanggap ng suhol at nagpasya nang baluktot si Sisamnes, huwes sa Persia. Nabisto ito ni Cambyses II, hari noong 530-522 BC, anak ni Cyrus the Great, at nagpasya na gawin siyang ehemplo kontra katiwalian. Inaresto si Sisamnes at tinalupan. Ginawang upuan ang balat niya ng mga sumunod na huwes, pananda ng parusang sasapitin kung magloko.
Hindi malinaw sa mga ulat ni mananalaysay Herodotus kung nilaslas muna ang lalamunan ni Sisamnes bago talupan. Pero nakakakilabot ang pinintang eksena ni Gerard David nu’ng 1498. Nakatali si Sisamnes sa mesa, nakadilat, habang kinukutsilyo ng mga ekspertong magtatalop ang kanyang dibdib at mga binti.
(Ang magkatambal na obra ni David, “Ang Pagdakip kay Sisamnes” at “Pagtalop kay Sisamnes” ay nakasabit sa Alderman’s Room ng Bruges City Hall, Belgium. Mas kasindak-sindak ang obra ni Dirck Vellert sa stained glass, “Ang Husga ni Cambyses”, 1542, na nasa Rijsmuseum, Amsterdam.)
Matapos ang pagtalop, pinagtahi-tahi ng mga magkukulti ang balat ni Sisamnes na upuan. Inutos ng hari na sa Silyang Balat uupo lahat ng magmamana ng posisyon ni Sisamnes. Sa pagpapasya, wala silang iisipin kundi ang matuwid at makatarungan.
Ang unang pumalit kay Sisamnes na huwes ay anak na si Otanes.
Mabilis at brutal ang hustisya sa sinaunang Persia. Mahalaga ‘yon sa kaayusan ng emperyo. Agad itinatali ang mga tiwali at traydor sa puno, para pagpistahan ng mga ibon, insekto at mabangis na hayop, hanggang sa buto. Unti-unti, masakit na kamatayan ang sinasapit ng mga nagbubulaan, nanloloko, nagnanakaw.
Nais nang marami sa atin na gan’un sana katindi ang (parusa sa mga tiwaling opisyales ngayon. ‘Yun ang paraan para matigil ang pandarambong ng bilyun-bilyong piso. Mapapaunlad ang Pilipinas, mapapawi ang karalitaan, sasagana ang lahat.