EDITORYAL - I-educate ang publiko sa bakuna para di-mangamba
MARAMING fake news sa social media ang naglalabasan ukol sa mga vaccine laban sa COVID-19. Ang mga maling balita na ito ang naghahatid ng pangamba at takot sa mamamayan. Ligtas nga ba ang bakuna? Hindi kaya sila mapahamak kapag sinaksakan ng bakuna?
Maraming video na kumakalat sa Facebook na mayroon daw namatay na sa US makaraang bakunahan laban sa COVID. Bigla na raw bumagsak mula sa kinauupuan ang babaing nurse at namatay. Kumalat ang balita dahil maraming nag-share nito. Lumalabas na fake news ang kumalat sa FB. Ang intensiyon nang nagpakalat ay takutin ang mga tao.
Sa survey ng Pulse Asia noong Enero 7, lumabas na 32 percent ng mga Pilipino ang ayaw magpabakuna. Marahil ay dahil sa mga maling balita na kumakalat sa social media kaya marami ang natatakot. Masyado silang apektado kaya marahil ayaw nilang magpabakuna.
Isa pang maaring dahilan ng pagkatakot ng mga tao sa bakuna ay dahil sa nangyaring kontrobersiya ukol sa Dengvaxia noong 2016 kung saan marami umanong bata ang namatay makaraang turukan. Ayon sa report, ang dapat lamang turukan ng Dengvaxia ay mga nagka-dengue na subalit pati ang mga hindi nagka-dengue ay binakunahan din. Hindi ito ipinaliwanag ng Sanofi (maker ng Dengvaxia) kaya malaking pagkakamali ang nangyari. Inihinto ang dengue vaccination dahil sa nangyari. At ngayon, tila multong nagbabalik ang kontrobersiya ng Dengvaxia dahilan para maraming matakot.
Ito ngayon ang marahil ay nasa isipan nang marami ukol sa COVID vaccine. Sa ganitong sitwasyon, dapat ma-educate ang marami sa bakuna laban sa COVID-19 lalo pa’t ayon sa pamahalaan, malapit nang dumating sa bansa. Ayon sa report, sa susunod na buwan ay mayroon nang unang batch ng bakuna. Dahil dito, kailangang maihanda ng pamahalaan ang lahat para maging matiwasay ang isipan at huwag katakutan ang bakuna. Mariin namang sinabi ng Food and Drugs Administration (FDA) basta dumaan sa kanila ang bakuna, hindi dapat mangamba ang mamamayan dahil ligtas ito. Walang bakuna o kahit gamot na dumaan sa kanila ang magdudulot ng panganib sa sinumang gagamit nito.
- Latest