Hati ang opinion ng mga kasapi ng supermajority coalition sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung dapat magsagawa ng charter change sa mga panahong ito ng pandemic. Para sa akin, tutol ako dahil dapat bigyan ng prayoridad ng lehislatura ang pagsasabatas ng mga panukalang makatutulong sa bansa para maibsan man lang ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Aminin man ng mga politika o hindi, kapag nagsagawa ng sesyon para amendahan ang Saligang Batas, tiyak na may mga magsisingit ng panukala para sa personal na interes ng mga politiko.
Maaaring ito ay ang pagpapanukala ng term extension ng mga opisyal sa dahilang hindi dapat magpalit ng leaders sa panahong umiiral ang krisis. Siguradong mahabang balitaktakan iyan sa pagitan ng mga papabor at tututol sa ganyang panukala. Kukonsumo ito ng mahabang panahon ng pagdedebate na uubos sa oras ng Kongreso. Mawawalan ng puwang ang higit na mahalagang bills kaugnay ng mga may kinalaman sa pandemya.
Layunin daw ng charter change na amendahan ang mga restrictive economic provisions ng Konstitusyon. Gayunman, tutol ang ilang mambabatas dahil ito umano ay wrong timing lalo pa’t sa panahong ito na kailangang paigtingin ng pamahalaan at gawing mas epektibo ang pagresponde nito sa kinakaharap na krisis.
Tatalakayin ng House committee on constitutional amendments ang Cha-cha proposal sa linggong ito na isinampa mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco at nakatuon daw sa mga economic provisions. Kabilang diyan ang pagpapahintulot sa foreign ownership ng mga dayuhan sa mga lupain, educational institutions, public utilities at mass media.
Sa ganang akin, isaisantabi muna lahat ang mga panukalang iyan at mag-focus sa mga kinakailangang batas sa panahong umiiral ang pandemya. May mga tusong Mambabatas na puwedeng magsingit ng mga panukalang nagbabalatkayong para sa pagtugon sa pandemya pero may vested interest na nakapaloob.