Isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat namin sa Makati ay ang patuloy na suporta at tiwala ng ating business community. Dahil sa suportang ibinigay ng mga negosyante at civic organizations, mabilis naming naisagawa ang mga unang hakbang sa pagtugon sa pandemya. Kabilang dito ang pagtatayo ng quarantine facilities, pagbibigay ng sapat na proteksiyon sa medical frontliners, at paghahatid ng relief goods sa mga residente.
Isa pang napakahalagang bahagi ng pagiging matatag ng lungsod sa gitna ng krisis ang mataas na revenue collection na pinagkukunan ng pondo para sa pagsasagawa ng mga programa at serbisyo sa kalusugan, edukasyon, kapakanang panlipunan at iba pang aspeto ng progreso.
Masaya kong ibinabalita na noong Nobyembre pa lamang ay nalampasan na ng Makati ang revenue target nito para sa taong 2020. Umabot sa P18,150,510,850.72 ang ating kabuuang koleksiyon. Katumbas ito ng 102 porsiyento ng P17.8 bilyong target para sa buong taon.
Laking pasasalamat ko na nagkaroon man ng matinding paghihigpit sa mga operasyon ng mga negosyo bunsod ng pandemya, hindi pa rin lumiban ang mga kompanya, negosyo, at indibiduwal na taxpayers sa pagbabayad ng kanilang buwis.
Nagbigay ito ng inspirasyon at pag-asa sa amin na manunumbalik ang sigla ng lokal na ekonomiya at lalong yayabong ngayong 2021.
Malaking bahagi ng koleksiyon ay mula sa mga business tax na nagkakahalaga ng P9.5 bilyon, at mga real property tax na nagkakahalaga ng halos P6 bilyon.
Nakapagtala rin ang lungsod ng nasa 2,789 na mga bagong rehistrong negosyo at 35,836 na nagpa-renew ng permit sa Makati nitong 2020. Ang mga bagong negosyo ay may kabuuang P29.8 bilyong capital investments, habang umabot sa halos P1.6 trilyon ang total gross sales ng mga negosyong nagpa-renew ng kanilang permit.
Nais kong kong muling ipaabot ang aming buong suporta at kahandaang tumulong sa mga negosyo, lalo na ang mga nagsusumikap na bumangon at muling yumabong sa taong ito.
Sa pamamagitan ng programang Makati Assistance and Support for Businesses (MASB) na may pondong P2.5 bilyon, nagbibigay ang lungsod ng grants mula P10,000 hanggang P100,000 sa mga rehistradong negosyo sa lungsod, depende sa uri ng negosyo at bilang ng Makatizens na empleyado nito. Nakalaan ang pondo para bayaran ang sahod ng mga empleyado, residente man o hindi, at pambayad sa supplies.
Ngayong taon, naglaan kami ng P1 bilyong pondo para sa libreng pagbabakuna laban sa COVID ng 100 porsiyento ng Makatizens, kabilang ang real property owners at mga may-ari ng negosyo sa Makati. Abangan ang susunod naming anunsiyo para sa mga detalye.
Makaaasa ang ating Makatizen taxpayers na laging handang umagapay ang pamahalaang lungsod para sa mas mabilis na pagbangon at muling pagsigla ng ekonomiya ng Makati. Sama-sama nating itaguyod ang mas maunlad at masayang kinabukasan para sa lahat.