^

PSN Opinyon

Bagong simula, bagong pangarap!

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Bagong simula, bagong pangarap!

Sa pagpasok ng 2021, talagang lahat tayo ay kailangang mag-adjust sa new normal. At dahil napakaraming mga bagay ang wala pa ring kasiguruhan, importanteng mayroon tayong mga kasama sa buhay. Mga makakasama sa paglalakbay. Mga ka-partner sa ating journey. Tayo ang support group, ang KasamBuhay ng bawat isa, na magtutulungan para mahanap ang sagot sa ating mga tanong.  

Sabi nga nila, ngayong bagong taon, bagong mga pangarap, bagong simula. Ang pagiging KasamBuhay ninyo ang isa sa mga bago at exciting na bahagi ng aking buhay ngayon! 

Kahit na mistulan akong tinamaan ng magkasabay na bagyo ng COVID-19 pandemic at ng kawalan ng prangkisa ng ABS-CBN, dapat pa ring labanan ang takot at maging matapang at positibo tayo ngayong 2021.

Tayong mga Katoliko ay naniniwalang ginagamit ng Panginoon ang ganitong mga bagyo sa ating buhay para yanigin tayo kung anong direksyon ang gusto Niya para sa atin. Sa gitna ng mga delubyong ito, napaisip nga rin ako kung ano nga kaya ang bago kong papel -- bilang journalist at bilang ina?

Pagbabalik-tanaw

Ganitong-ganito rin ang pakiramdam ko noong 1999. Nag-aaral ako ng broadcasting habang part-time na nagtatrabaho sa ABC News sa New York City. Kahit na may mga alok na trabaho abroad, para pa ring may kulang.

Pero nang ako’y inimbitahan ng dating Senior Vice President for News ng ABS-CBN na si Atty. Dong Puno na bumalik ng Pilipinas at magtrabaho sa network, doon ko lang naintindihan kung ano pala ang hinahanap ko. 

Gusto kong makatulong mapabuti ang kalagayan ng aking mga kababayan sa pamamagitan ng mga kuwentong magbibigay-pag-asa, at ng mga impormasyong magbibigay-linaw sa mga isyu at magbibigay-tapang na makilahok.

Matapos kong piliin ang landas na ito, naging napakabilis na ng takbo ng aking mundo sa loob ng mahigit 20 taon. Laging may hinahabol na deadline. Laging may hinahanap na interview. Pero sa libu-libong kuwentong aking ginawa, may mga tumatak sa akin nang husto. Ito yung mga report at kuwento ukol sa mga bagay na importante sa akin, hindi lang bilang isang journalist na naghahanap ng istorya, kundi bilang isang tao na gustong magkaroon ng ambag sa lipunan.

Ilang kuwento ng mga KasamBuhay

Isa sa mga nakasama ko sa paglalakbay ay si Dylan na nakilala ko noong siya’y anim na buwan pa lang. Mayroon siyang congenital heart problem at milyun-milyong piso ang gagastusin sa operasyon. Pero sa gitna ng kahirapan, lumaban pa rin siya at ang kanyang pamilya. At sa tulong ng mga dasal, ng Bantay Bata 163 at mga partners nito, nadugtungan ang kanyang buhay at nagkaroon siya ng libreng operasyon. Ngayo’y isa na siyang masayahin at malusog na anim na taong gulang na bata.

Hindi ko rin malilimutan ang mga nakilala naming mga pasyente sa medical missions ng "Salamat Dok": mga batang may cleft lip o bingot na kinailangang tumigil sa pag-aaral dahil sa pambu-bully; ang magsasakang muntik nang mamatay dahil sa sepsis sa paa; at ang tinderang nailigtas sa bingit ng kamatayan matapos alisan ng tumor.

Sa mahirap na bansang gaya natin, 'pag tinamaan ka ng matinding sakit at wala kang perang pampagamot, mistulang hihintayin mo na lang ang kamatayan. Ngunit kapag iniugnay natin sila sa mga taong makatutulong sa kanila, o kapag nabigyan sila ng impormasyon kung paano maiiwasan o maagapan ang kanilang sakit, hindi mo lang sila tinutulungang gumaling, kundi binibigyan mo rin sila ng lakas ng loob at pag-asang harapin ang buhay.

Kaya new normal man o hindi, ito pa rin ang gusto kong gawin – ang patuloy na bigyang atensyon ang mga problemang pangkalusugan at iba pang impormasyong mahalaga sa pamilyang Pilipino -- sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, ng column na ito at ng social media. 

Pamilya at lipunan

Kaya maging ang ating pagtalakay dito ng mga isyung panlipunan ay laging mula sa pananaw ng pamilya, mula sa perspektibo ng isang ina. Paano nga ba makakaapekto ang malalaking balita o ang mga programa ng gobyerno sa  ating pang-araw-araw na buhay, lalo na sa kinabukasan ng ating mga anak. 

Tayong mga magulang ang may pinakamalaking impluwensiya sa ating mga anak, mula sa tamang pag-uugali at paniniwala, hanggang sa kanilang pagkatao at value system. Kasama sa values na ito ang pagmamahal para sa bata, sa kalikasan at sa bansa na laging ipinapaalala sa akin (bilang dating Program Director ng Bantay Bata 163) ng pumanaw na founder ng Bantay Bata na si Gina Lopez. Sabi niya, ang tatlong ito ay tahi-tahi at magkaka-ugnay. Kaya importanteng isapuso ito ng mga magulang at ituro sa kanilang mga anak para tumatag ang lipunan at umunlad ang bayan.

Ang pagmamahal na ito rin ang ating armas na magbibigay sa atin ng tapang sa pagharap sa anumang mga hamon at pagbabago ngayong 2021. Umaasa akong sa pamamagitan ng mga impormasyon at kuwentong aking ibabahagi ay makatutulong ako sa paggabay sa inyong pamilya. Umaasa akong sa pamamagitan ng column na ito’y mas lumakas pa ang ating mga loob dahil ngayo’y mayroon na tayong mga bagong kapamilya’t karamay, mga bagong KasamBuhay.

-------
Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa j[email protected]. You can also follow my social media accounts: Instagram Facebook You Tube and Twitter @JingCastaneda 

 

2019 N-COV

NEW NORMAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with