EDITORYAL - Mabilis na hustisya kay Jeanelyn Villavende
Sa wakas, nakamit na ng overseas Filipino worker na si Jeanelyn Villavende ang hustisya makaraan ang isang taon mula nang siya ay patayin ng kanyang mga amo sa Kuwait.
Masasabing mabilis na ang pagkakamit ng hustisya sa karumal-dumal na sinapit ni Jeanelyn.
Noong nakaraang Disyembre 30, 2020, hinatulan ng Kuwaiti criminal court ang babaing amo ni Jeanelyn ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti. Ang asawang lalaki ay hinatulan ng apat na taong pagkabilanggo dahil sa pagtatakip sa ginawa ng asawa at hindi pagrereport sa krimen.
Pinatay si Jeanelyn noong Disyembre 30, 2019. Brutal ang pagpatay kay Jeanelyn ng kanyang among babae. Nabasag ang bungo nito dahil sa matinding pahirap ng among babae.
Dumating sa Kuwait si Jeanelyn noong Hulyo 2019 subalit ayon sa mga kaanak nito, hindi nila ito makausap nang madalas sapagkat binabantayan umano ng among babae. Hanggang sa makarating sa kanila ang balita na patay na si Jeanelyn. Bugbog na bugbog ang katawan nang isugod sa ospital doon. Ayon sa mga nakakita kay Jeanelyn, kaawa-awa ang itsura nito.
Maski si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ay nagpahayag nang matinding pagkaawa sa sinapit ng Pinay DH. Ayon kay Locsin, binasag ang bungo ni Villavende kaya gusto niya, basagin din ang bungo ng mga amo nito. Ipinatawag pa ni Locsin ang Kuwaiti ambassador para iparating ang galit na nararamdaman sa pagkamatay ni Jeanelyn. Gigil na gigil si Locsin.
Noong 2018, pinatay din ng kanyang amo si Joanna Daniella Demafelis, taga-Iloilo. Natagpuan ang bangkay ni Demafelis sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait. Pinatay siya sa sakal ng mga amo nitong Lebanese. Dahil sa nangyari kay Demafelis, ipinag-utos ni President Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE) na itigil ang pagpapadala ng domestic helper sa Kuwait. Inalis ang ban nang mangako ang Kuwaiti government na puproteksiyunan ang mga OFW sa nasabing bansa. Lumagda ito sa kasunduan.
Mabilis ang hustisya kay Jeanelyn at sana ganito rin sa iba pang inabuso at minaltrato. Nararapat protektahan ang OFWs sapagkat katulong sila ng bansa para makabangon sa hilahod na ekononiya. Lubos na matutulungan ang OFWs kung magtatatag ng sariling tanggapan para sa mga ito – ang Department of OFWs.
- Latest