Noong Setyembre pa pala nabakunahan ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) pero ngayon lang nabulgar dahil nadulas ang dila ng Presidente. Inamin naman ni PSG commander Brig. Gen. Jesus Durante na nabakunahan na nga ang mga miyembro ng kanyang grupo. Sila raw mismo ang nagturok sa sarili. Inamin din ni Durante na walang awtorisasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna na galing sa Sinopharm, isang pharmaceutical company sa China.
Ayon kay Durante, nagpabakuna ang PSG dahil tungkulin nilang protektahan ang Presidente para sa kaligtasan nito at sa COVID-19. Inaako umano niya ang responsibilidad sa pagbabakuna ng kanyang grupo. Sariling kilos umano nila ito at walang alam ang Presidente.
Maraming nagulat na nabakunahan na ang mga tauhan ng PSG. Kung sa ibang bansa ang inuunang bakunahan ay health workers at senior citizens, dito sa bansa, ang inuna ay ang mga bata at malalakas ang katawan.
Kontrobersiya pa ang pagbabakuna sa PSG sapagkat hindi dumaan sa FDA. Sa batas, bawal ang basta pag-angkat at pagtuturok ng bakuna hangga’t walang permiso sa FDA. Dapat ding lisensiyado ang taong magtuturok nito. Mananagot umano ang nasa likod ng bakunang ipinasok sa bansa at ipinagkaloob sa PSG.
Sinabi ng Senado na ipatatawag nila si Durante para pagpaliwanagin sa bakuna. Hindi umano naniniwala ang Senado na walang alam ang Malacañang sa kontrobersiyal na bakuna. Una nang sinabi ng Malacañang na donasyon lang ang bakuna na ginamit sa PSG.
Imbestigahan ang pagbabakuna sa PSG. Kailangang malaman kung ano nga ba ang totoo. Sa dami ng mga nagsasalita ukol sa pagbakuna sa PSG, hindi na malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Dapat ding malaman kung donasyon nga ba talaga ang bakuna at sino ang nagdala sa bansa at basta itinurok.