EDITORYAL - Korapsiyon sa DPWH
Sandosenang district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sinibak sa puwesto ni President Duterte. Marami pa umano siyang sisibakin. Marami rin umano siyang ililipat na district engineers para maputol na ang korapsiyon. Ang mga district engineers ang kakutsaba umano ng mga tiwaling mambabatas.
Noong Lunes, pinangalanan ni Digong ang mga mambabatas na nali-link sa katiwalian. Siyam na mambabatas ang kanyang pinangalanan na umano’y nakikipagkutsabahan sa district engineers para magkamal ng pera. Ganunman, sinabi ng Presidente na kahit daw pinangalanan na niya ang mga mambabatas ay hindi naman nangangahulugan na sangkot na ang mga ito sa masamang gawain. Ayon pa sa Presidente, ang alegasyon ay base sa report ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ng PACC na 12 mambabatas ang tumanggap ng 15 percent kickback sa mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Dahil sa laki ng kickback ng mga kongresista at sa porsiyento na nakukuha ng mga korap na DPWH officials, 50 percent na lang ang napupunta para sa project at ito ang dahilan kaya substandard ang mga proyekto.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, may isang mambabatas na kumubra ng P10 milyon sa project contractor ng DPWH. Meron din daw mambabatas na humingi ng P100 milyon sa isang malaking proyekto ng DPWH na gagawin sa kanyang distrito. Kapag hindi raw magbibigay, hindi papapasukin sa kanyang nasasakupang disrito.
Kinumpirma naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na may mga mambabatas ngang sangkot sa korapsiyon sa DPWH. Ganunman, ayon sa Justice Secretary, limang mambabatas lamang ang kanilang tinututukan. Sangkot sa infrastructure projects ang lima. Ayaw pangalanan ni Guevarra ang limang mambabatas. Kailangan aniya ay may matibay na ebidensiya laban sa mga inaakusahang mambabatas.
Ngayong may pinangalanan nang mambabatas si President Duterte na kakutsaba ng district engineers para makakamal ng milyones, ano ang kasunod dito? Makakaasa ba ang taumbayan na mananagot ang mga isinasangkot. Sana matupad ang kanyang pangako na bago bumaba sa puwesto ay malinis na ang gobyerno.
- Latest