NAKAPAGTATAKA kung bakit atat na atat ang Department of Education (DepEd) sa pagkakaroon ng face-to-face classes sa Enero. Para bang hindi natatakot ang DepEd at ura-uradang inirekomenda kay President Duterte na magkaroon na ng trial para implementation ng face-to-face sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19. Pinayagan naman agad ng Presidente ang rekomendasyon ni Briones at itinakda sa Enero ang pilot implementation ng face-to-face classes. Nilinaw na sa mga lugar lamang na may mababang COVID cases ito gagawin.
Pero noong Sabado, binawi ng Presidente ang naunang order sa pagsasagawa ng face-to-face classes. Ayon sa Presidente, ayaw niyang malagay sa panganib ang buhay ng mga bata. Ang kautusan sa pagpapatigil sa face-to-face classes ay kasunod ng balitang may bagong variant ng COVID-19 na nadiskubre sa United Kingdom.
Sinabi ng Presidente na hindi na magkakaroon ng face-to-face classes. Nakipag-meeting ang Presidente sa infectious disease experts at nagpasya na bawiin ang naunang order para sa face-to-face classes. “I’m calling back the order and I will not allow face-to-face classes for children until we are through with this. Wala pa tayong alam. I cannot take the risk,” sabing seryoso ng Presidente.
Sinabi naman ni Secretary Briones na tatalima siya sa kautusan ng Presidente. Ipagpapaliban umano niya ang planong face-to-face classes sa Enero.
Nakapagtataka naman ang DepEd kung bakit ipinagpipilitan agad ang pagkakaroon ng face-to-face classes gayung nananalasa pa ang COVID-19. Kahit pa sabihing sa mga walang kaso ng COVID idaraos ang face-to-face classes, gaano nakasiguro na walang mai-infect sa mga guro at estudyante.
Hindi dapat isapalaran ang kalusugan at buhay ng mga bata sa pagkakataong ito. Huwag munang igiit ang face-to-face classes. Wala pa ngang bakunang nakakarating sa bansa ay ang pagbabalik na agad sa klase ang gusto ng DepEd.
Huwag magmadali ang DepEd. Sabi nga ang pagmamadali kadalasan ay maraming mali. Maghintay sa paghupa ng virus. Dapat 100 percent nang walang virus at may bakuna na bago hayaang makatungo sa school ang mga bata. Kaligtasan ng mga bata ang unahin kaysa edukasyon.