(TRENDING ito online; papuri sa mga umakda ng orihinal na Ingles.)
Ninais ng matandang ama na nag-iisa sa bahay na tamnan ng kamatis ang bakuran. Pero mahirap bungkalin ang matigas na lupa. Wala siyang makatulong kasi nabilanggo ang anak na si Vincent. Lumiham siya kay Vincent sa preso at ikinuwento ang problema niya.
Makalipas ang ilang araw dumating ang sagot ng anak: “Itay, huwag mong hukayin ang hardin! Doon ko ibinaon ang mga bangkay!”
Kinabukasan nang madaling araw ni-raid ng pulis ang bahay ng matanda. May dala-dala silang mga piko at pala. Hinukay ng mga pulis ang buong bakuran, pero wala silang natagpuang bangkay.
Lumiham muli si Vincent na halatang alam na ang nangyari: “Itay, sana nabungkal nang husto ang lupa, para hindi ka na mahirapan. ‘Yun lang ang nakayanan kong itulong sa iyo dahil sa kalagayan ko ngayon.”
* * *
Paboritong parusa nang malupit na hari na ipalapa ang nagkasala sa mababangis na alagang aso. Pati ang matandang ministro na pumalya ang payo ay inutos ng hari na ihulog sa kulungan ng mga aso. Walang patawad, miski ipinaalala ng ministro na sampung taon siyang naglingkod.
“Huling hiling, hayaan n’yo akong makasama ang mga aso nang sampung araw bago ako ipasok sa kulungan nila,” pakiusap ng ministro. Nagtatakang pumayag ang hari.
Agad pumunta ang ministro sa kulungan at hinimas ang mga aso. Pinaliguan bawat isa, pinakain, at inalagaan sila nang sampung araw.
Dumating ang takdang araw ng sentensiya. Itinulak ang ministro sa kulungan ng aso. Agad pinalibutan siya ng mga aso at dinilaan.
Namangha ang hari at inusisa ang ministro kung paano ‘yon nangyari. Sagot ng ministro: «Pinaglingkuran ko ang mga hayop nang sampung araw at napamahal ako sa kanila. Pinagsilbihan ko kayo nang sampung taon pero hindi ninyo pinatawad sa isang pagkakamali. Masaklap!”
Naantig ang hari at pinalaya siya.